13 at muling nauna rito ang pitong pari na walang tigil sa pag-ihip ng dala nilang trumpeta. Muling pumuwesto sa unahan nila ang unang hanay ng mga kawal, samantalang ang mga panghuling hanay ay nasa likuran ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Patuloy ang pag-ihip sa mga trumpeta.
14 Nilibot nga nilang minsan ang lunsod noong ikalawang araw, at pagkatapos ay bumalik silang muli sa kampo. Ganito ang ginawa nila araw-araw sa loob ng anim na araw.
15 Nang ikapitong araw, bumangon sila nang magbukang-liwayway, at lumibot nang pitong beses sa lunsod. Noon lamang nila ito nilibot nang pitong beses.
16 Sa ikapitong libot, hinipan ng mga pari ang mga trumpeta at iniutos ni Josue sa mga tao, “Sumigaw na kayo sapagkat ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lunsod!
17 Ang buong lunsod at ang anumang matatagpuan doon ay wawasakin bilang handog kay Yahweh. Si Rahab lamang at ang kanyang mga kasambahay ang ililigtas sapagkat itinago niya ang ating mga isinugo roon.
18 At huwag na huwag kayong kukuha ng anumang bagay na nakatakdang wasakin. Kapag kumuha kayo ng anuman, kayo ang magiging sanhi ng pagkapahamak ng buong Israel.
19 Ngunit ang lahat ng bagay na yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal ay nakalaan para kay Yahweh, at dapat ilagay sa kabang-yaman ni Yahweh.”