19 Kaya't sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, nasa harapan ka ni Yahweh, ang Diyos ng Israel! Igalang mo ang kanyang pangalan. Magsabi ka ng totoo. Huwag kang magkakaila ng anuman! Ano ang ginawa mo?”
20 Sumagot si Acan, “Totoo pong nagkasala ako kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.
21 Sa mga bagay na nasamsam ko sa Jerico, may nakita akong isang mamahaling balabal na yari sa Babilonia, halos walong librang pilak, at isang baretang ginto na mahigit pang dalawang libra. Kinuha ko ang mga iyon at ibinaon sa lupa, sa loob ng aking tolda. Nasa kailaliman po ang pilak.”
22 Nagsugo si Josue ng dalawang tao na patakbong pumunta sa tolda ni Acan. Nakabaon nga roon ang damit at nasa ilalim nito ang pilak.
23 Iniharap nila kay Josue at sa buong Israel ang lahat ng iyon, at inilatag sa harapan ni Yahweh.
24 Dinala ni Josue at ng buong bayan si Acan, gayundin ang pilak, ang damit, at ang barang ginto, sa Libis ng Kaguluhan. Isinama rin nila ang kanyang asawa, mga anak, mga baka, kabayo, at tupa, tolda at lahat niyang ari-arian.
25 At sinabi ni Josue, “Bakit mo kami ipinahamak! Ikaw naman ngayon ang ipapahamak ni Yahweh.” At pinagbabato ng buong bayan si Acan at ang buo niyang sambahayan hanggang mamatay. Sinunog silang lahat kasama ng kanilang ari-arian.