3 Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Ai,
4 umisip sila ng paraan upang malinlang si Josue. Nagdala sila ng pagkain at kinargahan nila ang kanilang mga asno ng mga lumang sako at mga sisidlang-balat na tagpi-tagpi.
5 Nagsuot sila ng mga pudpod at butas-butas na sandalyas, at damit na gula-gulanit. Matigas na at amagin pa ang baon nilang tinapay.
6 Pumunta sila kay Josue sa kampo ng Israel sa Gilgal. Ganito ang sabi nila kay Josue at sa kasama niyang mga pinuno ng Israel: “Kami po'y galing pa sa malayong lupain; nais po naming makipagkasundo sa inyo!”
7 Ngunit sumagot ang mga pinuno ng Israel, “Baka kayo'y mga tagarito? Hindi kami maaaring makipagtipan sa inyo.”
8 Nagmakaawa sila kay Josue, “Handa po kaming maglingkod sa inyo!”Tinanong sila ni Josue, “Sino ba kayo? Saan kayo galing?”
9 At ganito ang kanilang salaysay: “Buhat po kami sa napakalayong lupain. Nagsadya po kami sa inyo sapagkat nabalitaan namin ang tungkol kay Yahweh, na inyong Diyos. Narinig po namin ang ginawa niya sa Egipto.