3 Pagkatapos, umalis si Solomon at ang lahat ng tao papuntang sambahan sa matataas na lugar sa Gibeon, dahil naroon ang Toldang Tipanan ng Dios. Ang toldang ito ay ang ipinagawa ni Moises na lingkod ng Panginoon sa disyerto.
4 Nang panahong iyon, nailipat na ni David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios mula sa Kiriat Jearim papunta sa toldang inihanda niya para rito, doon sa Jerusalem.
5 Ngunit ang tansong altar na ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur ay naroon pa sa Gibeon sa harap ng Tolda ng Panginoon. Kaya doon nagtipon si Solomon at ang lahat ng tao para magtanong sa Panginoon.
6 Pagkatapos, umakyat si Solomon sa tansong altar sa presensya ng Panginoon sa Toldang Tipanan, at naghandog siya ng 1,000 handog na sinusunog.
7 Nang gabing iyon, nagpakita ang Dios kay Solomon at sinabi sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo”
8 Sumagot si Solomon, “Pinakitaan nʼyo po ng malaking kabutihan ang ama kong si David. At ngayon, ipinalit nʼyo ako sa kanya bilang hari.
9 Kaya ngayon, Panginoong Dios, tuparin nʼyo po ang pangako nʼyo sa aking amang si David, dahil ginawa nʼyo po akong hari ng mga taong kasindami ng buhangin.