1 Nagpadala si Hezekia ng mensahe sa lahat ng mamamayan ng Israel at Juda, pati na sa mga mamamayan ng Efraim at Manase. Inimbita niya sila na pumunta sa templo ng Panginoon sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel.
2 Nagpasya si Haring Hezekia at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem na ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa ikalawang buwan.
3 Dapat sanaʼy gaganapin ang pistang ito sa unang buwan, pero kakaunti lang ang mga pari na naglinis ng kanilang sarili sa panahong iyon at hindi nagtipon ang mga tao sa Jerusalem.
4 Nagustuhan ng hari at ng lahat ng mamamayan ang plano na pagdiriwang ng pista,
5 kaya nagpadala sila ng mensahe sa buong Israel, mula sa Beersheba hanggang sa Dan, na dapat pumunta ang mga tao sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Sa mga nagdaang pagdiriwang, kakaunti lang ang nagsidalo. Pero sinasabi ng kautusan na dapat dumalo ang lahat.
6 Sa utos ng hari, pumunta nga ang mga mensahero sa buong Israel at Juda dala ang mga sulat mula sa hari at sa kanyang mga opisyal. Ito ang nakasulat:“Mga mamamayan ng Israel, ngayong nakaligtas kayo sa kamay ng mga hari ng Asiria, panahon na para magbalik-loob kayo sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob, para bumalik din siya sa inyo.
7 Huwag nʼyong tularan ang inyong mga ninuno at mga kamag-anak na hindi naging tapat sa Panginoon na kanilang Dios, na dahil ditoʼy ginawa silang kasuklam-suklam ng Panginoon gaya ng nakikita ninyo ngayon.
8 Kaya huwag maging matigas ang inyong ulo gaya ng inyong mga ninuno, kundi magpasakop kayo sa Panginoon. Pumunta kayo sa templo na kanyang pinabanal magpakailanman. At maglingkod kayo sa Panginoon na inyong Dios, para mawala ang matindi niyang galit sa inyo.
9 Sapagkat kung manunumbalik kayo sa Panginoon, kahahabagan ng mga bumihag ang inyong mga anak at mga kamag-anak, at pababalikin sila rito sa lupain. Sapagkat matulungin at mahabagin ang Panginoon na inyong Dios. Hindi niya kayo tatalikuran kung manunumbalik kayo sa kanya.”
10 Pumunta ang mga mensahero sa bawat bayan sa buong Efraim at Manase hanggang sa Zebulun, pero pinagtawanan lang sila at hinamak ng mga tao.
11 Ngunit may ibang galing sa Asher, Manase at Zebulun na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem.
12 Kumilos din ang Panginoon sa mga taga-Juda para magkaisa sila sa pagtupad ng utos ng hari at ng mga opisyal, ayon sa utos ng Panginoon.
13 Kaya nang ikalawang buwan, maraming tao ang nagtipon sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa.
14 Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinaghahandugan para sa mga dios-diosan, pati ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso, at itinapon nila ang lahat ng ito sa Lambak ng Kidron.
15 Nang ika-14 na araw ng ikalawang buwan, kinatay ng mga tao ang kanilang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Ang mga pari at mga Levita na marumi ay nahiya, kaya naglinis sila at nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon.
16 Pagkatapos, pumwesto sila sa kanilang mga lugar sa templo, ayon sa mga tuntunin sa kautusan ni Moises na lingkod ng Dios. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugo na dinala sa kanila ng mga Levita.
17 Dahil marami sa mga tao roon ang hindi naglinis ng kanilang sarili, ang mga Levita ang siyang nagkatay ng tupa para sa kanila upang maihandog sa Panginoon.
18 Karamihan sa mga pumunta na nagmula sa Efraim, Manase, Isacar at Zebulun ay hindi naglinis ng kanilang sarili, pero kumain pa rin sila ng inihandog para sa Pista ng Paglampas ng Anghel, kahit labag ito sa kautusan. Ngunit nanalangin si Hezekia para sa kanila. Sinabi niya, “O Panginoon, sa inyo pong kabutihan, sanaʼy patawarin nʼyo po ang bawat tao
19 na nagnanais na dumulog sa inyo, ang Dios ng kanyang ninuno, kahit na hindi po siya malinis ayon sa mga tuntunin sa templo.”
20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekia at pinatawad niya ang mga tao.
21 Sa loob ng pitong araw, ang mga Israelita na naroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa nang may malaking kagalakan. Araw-araw, umaawit ang mga Levita at ang mga pari ng mga papuri sa Panginoon, na tinutugtugan nang malalakas na instrumento na ginagamit sa pagpupuri sa Panginoon.
22 Pinuri ni Hezekia ang lahat ng Levita sa mabuting gawa na ipinakita nila sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya nagpatuloy ang pagdiriwang nila sa loob ng pitong araw. Kinain nila ang kanilang bahagi sa mga handog, at naghandog sila ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.
23 Pagkatapos, nagpasya ang buong kapulungan na magdiwang pa sila ng pitong araw. Kaya ginawa nila ito nang may malaking kagalakan.
24 Nagbigay si Haring Hezekia sa mga tao ng 1,000 toro, 7,000 tupa at kambing. Nagbigay din ang mga opisyal ng 1,000 toro at 10,000 tupaʼt kambing. Marami sa mga pari ang naglinis ng kanilang sarili.
25 Masayang nagdiwang ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari, ang mga Levita at ang lahat ng nagtipon mula sa Israel, pati ang mga dayuhang naninirahan sa Israel at Juda.
26 Labis ang kasayahan sa Jerusalem. Wala pang ganitong kasayahan na nangyari sa Jerusalem mula noong panahon na si Solomon na anak ni David ang hari sa Israel.
27 Pagkatapos, nagsitayo ang mga pari at ang mga Levita, at binasbasan nila ang mga tao. At pinakinggan ito ng Dios sa langit, sa kanyang banal na tahanan.