1 Ang pumalit kay Asa bilang hari ay ang anak niyang si Jehoshafat. Pinatibay ni Jehoshafat ang kaharian niya para makalaban siya sa Israel.
2 Nagtalaga siya ng mga sundalo sa lahat ng napapaderang lungsod, at naglagay din siya ng mga kampo ng sundalo sa Juda at sa mga bayan ng Efraim na sinakop ni Asa na kanyang ama.
3 Sinamahan ng Panginoon si Jehoshafat dahil sa unang mga taon ng paghahari niya sinunod niya ang pamumuhay ng kanyang ninuno na si David. Hindi siya dumulog kay Baal,
4 kundi dumulog siya sa Dios ng kanyang ama, at sumunod sa kanyang kautusan sa halip na sumunod sa pamumuhay ng mga taga-Israel.
5 Pinatibay ng Panginoon ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamumuno. Nagdala ng mga regalo ang lahat ng taga-Juda sa kanya, kaya yumaman siya at naging tanyag.
6 Matapat siya sa pagsunod sa mga pamamaraan ng Panginoon. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar at ang posteng simbolo ng diyosang siAshera sa Juda.
7 Nang ikatlong taon ng paghahari niya, dinala niya ang kanyang mga opisyal na sila Ben Hail, Obadias, Zacarias, Netanel at Micaya para magturo sa mga bayan ng Juda.
8 Kasama nila ang ibang mga Levita na sina Shemaya, Netania, Zebadia, Asahel, Shemiramot, Jehonatan, Adonia, Tobia, Tob Adonia, at ang mga pari na sina Elishama at Jehoram.
9 Dinala nila ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon at umikot sila sa lahat ng bayan ng Juda at nagturo sa mga tao.
10 Niloob ng Panginoon na matakot sa kanya ang lahat ng kaharian sa paligid ng Juda, kaya wala sa kanila na nakipaglaban kay Jehoshafat.
11 Ang ibang mga Filisteo ay nagdala kay Jehoshafat ng mga regalo at pilak bilang buwis, at ang mga taga-Arabia ay nagdala sa kanya ng 7,700 tupa at 7,700 kambing.
12 Kaya naging makapangyarihan pa si Jehoshafat. Nagpatayo siya sa Juda ng mga depensa at ng mga lungsod na ginawang mga bodega.
13 Maraming pantustos ang tinipon niya sa mga bayan ng Juda. Naglagay din siya ng mahuhusay at matatapang na sundalo sa Jerusalem.
14 Ang kanyang mga sundaloʼy inilista ayon sa kanilang mga pamilya. Mula sa lahi ni Juda: si Adna ang kumander ng 300,000 sundalo, na binukod-bukod sa tig-1,000.
15 Ang sumunod sa kanya ay si Jehohanan na kumander ng 280,000 sundalo.
16 Sumunod ay si Amasia na anak ni Zicri, na kumander ng 200,000 sundalo. Nagkusang-loob siya para sa gawain ng Panginoon.
17 Mula sa lahi ni Benjamin: si Eliada, na isang matapang na tao, ang kumander ng 200,000 sundalo. Ang mga sundalong itoʼy may mga pananggalang at mga pana.
18 Ang sumunod sa kanya ay si Jehozabad na kumander ng 180,000 armadong sundalo.
19 Sila ang mga naglilingkod kay Haring Jehoshafat bukod pa sa mga sundalo na kanyang inilagay sa lahat ng napapaderang lungsod sa Juda.