1 Nang mabalitaan ng reyna ng Sheba ang katanyagan ni Solomon, pumunta siya sa Jerusalem para subukin ang karunungan ni Solomon sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Dumating siya sa kasama ang marami niyang tauhan, at may dala siyang mga kamelyo na kargado ng mga regalo na mga pampalasa, napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Nang makita niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng nasa kanyang isipan.
2 Sinagot ni Solomon ang lahat niyang mga katanungan at walang anumang bagay ang hindi niya naipaliwanag sa kanya.
3 Nang mapatunayan ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon, at nang makita niya ang ganda ng palasyo na kanyang ipinatayo,
4 lubos siyang namangha. Ganoon din nang makita niya ang pagkain sa mesa ng hari, ang pamamahala ng kanyang mga opisyal, ang paglilingkod ng kanyang mga alipin at mga tagasilbi ng kanyang alak na may magagandang uniporme, at ang mga handog na sinusunog na kanyang inihandog sa templo ng Panginoon.
5 Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang nabalitaan ko sa aking bansa tungkol sa inyong mga gawa at karunungan.
6 Hindi ako naniwala hanggang sa pumunta ako rito at nakita ko mismo. Ang totoo, wala sa kalahati ng nabalitaan ko tungkol sa inyo ang nakita ko. Ang karunungan ninyo ay higit pa kaysa sa nabalitaan ko.
7 Napakapalad ng mga tauhan ninyo! Napakapalad ng inyong mga opisyal na naglilingkod sa inyo dahil palagi nilang naririnig ang inyong karunungan.
8 Purihin ang Panginoon na inyong Dios na nalugod sa inyo at naglagay sa inyo sa trono upang maghari para sa kanya. Dahil sa pag-ibig ng inyong Dios sa Israel at sa kagustuhan niyang manatili ang bansang ito magpakailanman, ginawa niya kayong hari nito, para mamahala na may katarungan at katuwiran.”
9 Binigyan niya ang hari ng limang toneladang ginto, maraming sangkap at mamahaling mga bato. Wala nang makakapantay sa dami ng sangkap na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.
10 May dala rin kay Haring Solomon ang mga tauhan niya at ang mga tauhan ni Hiram na mga ginto, maraming kahoy na almug, at mamahaling mga bato galing sa Ofir.
11 Ginamit ng hari ang mga kahoy na almug para gawing hagdanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang ibaʼy ginawang mga alpa at mga lira para sa mga musikero. Wala pang sinuman ang nakakita ng mga ganoong bagay sa Juda.
12 Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang kahit anong hingin nito. Mas sobra pa ang ibinigay ni Solomon sa kanya kaysa sa dinala niya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna kasama ng mga tauhan niya.
13 Taun-taon tumatanggap si Solomon ng mga 23 toneladang ginto,
14 bukod pa rito ang mga buwis na dala ng mga negosyante. Nagbibigay din sa kanya ng mga ginto at pilak ang lahat ng hari ng Arabia at ang mga gobernador ng Israel.
15 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga pitong kilong ginto.
16 Nagpagawa rin siya ng 300 maliliit na pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga tatlo at kalahating kilong ginto. Pinalagay niya itong lahat sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon.
17 Nagpagawa rin ang hari ng isang malaking trono na gawa sa mga pangil ng elepante, at binalutan ito ng purong ginto.
18 May anim na baitang ang trono, at may tungtungan ito ng paa na ginto. Sa bawat gilid nito ay may estatwang leon na nakatayo.
19 At mayroon ding estatwa ng leon sa bawat gilid ng baitang. Ang estatwang leon sa anim na baitang ay 12 lahat. Walang trono na katulad nito kahit saan mang kaharian.
20 Ang lahat ng kopa ni Haring Solomon ay purong ginto, at ang lahat ng gamit sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon ay puro ginto rin. Hindi ito ginawa sa pilak dahil maliit lang ang halaga nito nang panahon ni Solomon.
21 May mga barko rin si Solomon na pang-negosyo, na ang tripulante ay ang mga tauhan ni Hiram. Ang mga barkong itoʼy umuuwi isang beses sa bawat tatlong taon, na may dalang mga ginto, pilak, pangil ng elepante, at malalakiʼt maliliit na uri ng mga unggoy at pabo real.
22 Walang sinumang hari sa mundo na makakapantay sa karunungan at kayamanan ni Haring Solomon.
23 Ang lahat ng hari sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon para makapakinig ng karunungan na ibinigay ng Dios sa kanya.
24 Taun-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola.
25 May 4,000 kwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayo at mga karwahe. Siyaʼy may 12,000 kabayo na inilagay niya sa lungsod na lagayan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem.
26 Sinakop niya ang lahat ng hari mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Egipto.
27 Noong panahon na siya ang hari, ang pilak sa Jerusalem ay gaya lang ng ordinaryong mga bato, at ang kahoy na sedro ay kasindami ng mga ordinaryong kahoy na sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.
28 Ang mga kabayo ni Solomon ay nagmula sa Egipto at sa iba pang mga bansa.
29 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Solomon, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Natan, sa Mga Mensahe ni Ahia na Taga-Shilo, at sa mga Pangitain ni Iddo na Propeta, na nagsasabi rin tungkol sa paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat.
30 Sa Jerusalem nakatira si Solomon habang naghahari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon.
31 Nang mamatay siya, inilibing siya sa lungsod ng ama niyang si David. At ang anak niyang si Rehoboam ang pumalit sa kanya bilang hari.