1 Nang ika-14 na araw ng unang buwan, nagdiwang si Haring Josia ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa Jerusalem bilang pagpaparangal sa Panginoon. Nagkatay sila ng tupa para sa pistang ito.
2 Binigyan ni Josia ang mga pari ng kanilang tungkulin sa templo ng Panginoon, at pinatatag niya sila sa kanilang paglilingkod.
3 Binigyan din niya ng mga tungkulin ang mga Levita na tagapagturo sa Israel, na itinalaga sa paglilingkod sa Panginoon. Sinabi niya sa kanila, “Nailagay na ang banal na kahon sa templo na ipinatayo ni Solomon na anak ni David, at hindi nʼyo na kailangang dalhin ito palagi. Kaya gamitin nʼyo ang inyong panahon sa paglilingkod sa Panginoon na inyong Dios at sa mga mamamayan niyang Israelita.
4 Gawin nʼyo ang mga tungkulin ninyo sa templo ayon sa grupo ng inyong mga pamilya. Sundin nʼyo ang nakasulat na mga tuntunin ni Haring David ng Israel, at ng anak niyang si Solomon.
5 Pumwesto kayo sa templo ayon sa inyong grupo, at tumulong sa mga pamilya na naghahandog, na ipinagkatiwala sa inyo.
6 Maglinis kayo at maghanda ng inyong sarili sa paglilingkod sa inyong mga kababayan. Pagkatapos, katayin nʼyo ang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Sundin nʼyo ang mga utos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”
7 Personal na nagbigay si Josia ng 30,000 tupa at kambing, at 3,000 baka, para sa handog ng mga tao sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel.
8 Kusa ding nagbigay ang mga opisyal ni Josia sa mga tao, mga pari, at mga Levita. Ang mga tagapamahala ng templo na sina Hilkia, Zacarias, at Jehiel ay nagbigay sa kapwa nila pari ng 2,600 tupa at kambing, at 300 baka bilang handog sa pista.
9 Ang mga pinuno ng mga Levita na si Conania, ang kanyang mga kapatid na sina Shemaya at Netanel, si Hashabia, Jeyel, at Jozabad ay nagbigay sa kapwa nila Levita ng 5,000 tupa at kambing, at 500 baka bilang handog sa pista.
10 Nang handa na ang lahat para sa pista, pumwesto ang mga pari at mga Levita sa templo, ayon sa gawain ng kani-kanilang grupo, dahil sa utos ng hari.
11 Kinatay ng mga Levita ang mga tupaʼt kambing, at ibinigay ang dugo sa mga pari. Iwinisik ito ng mga pari sa altar habang binabalatan ng mga Levita ang mga hayop.
12 Pagkatapos, ipinamahagi nila sa mga tao, ayon sa grupo ng kanilang mga pamilya, ang mga handog na sinusunog para ihandog sa Panginoon, ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga baka.
13 At nilitson nila ang mga hayop na pampista, ayon sa nakasulat sa kautusan, at inilaga ang banal na mga handog sa mga palayok, mga kaldero, at mga kawali, at ipinamahagi agad nila sa mga tao.
14 Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanilang sarili at sa mga pari, dahil ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ay abala sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog at ng mga taba ng hayop hanggang magtakip-silim.
15 Ang mga musikero na mula sa angkan ni Asaf ay naroon sa kanilang pwesto sa templo, ayon sa tuntunin na ibinigay nina David, Asaf, Heman at Jedutun na propeta ng hari. Ang mga guwardya ng pintuan ay hindi na umalis sa kinalalagyan nila dahil ang kapwa nila Levita ang siyang naghanda ng kanilang pagkain.
16 Nang araw ding iyon, natapos ang buong seremonya para sa Pista ng Paglampas ng Anghel na ipinagdiwang para sa Panginoon, pati ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog na iniutos ni Haring Josia.
17 Ipinagdiwang ng mga Israelitang dumalo sa pistang ito at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw.
18 Mula nang panahon ni Samuel, hindi naipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel na tulad nito. Hindi nakapagdiwang ang mga nakalipas na mga hari gaya ng pagdiriwang ni Haring Josia at ng mga pari, mga Levita, mga mamamayan ng Jerusalem, at ng mga mamamayan ng Juda at Israel.
19 Ipinagdiwang ang pista noong ika-18 taon ng paghahari ni Josia.
20 Pagkatapos ng mga ginawa ni Josia para sa templo, pinangunahan ni Haring Neco ng Egipto ang kanyang mga sundalo sa pakikipaglaban doon sa Carkemish, sa may Ilog ng Eufrates. Pumunta roon si Josia at ang kanyang mga sundalo para makipaglaban kay Neco.
21 Pero nagsugo si Neco ng mga mensahero kay Josia at sinabi, “Ano ang pakialam mo, Haring Josia? Hindi ikaw ang nilulusob ko kundi ang bansang nakikipaglaban sa akin. At sinabi ng Dios sa akin na bilisan ko ang paglusob. Kasama ko ang Dios, kaya huwag mo akong kalabanin, dahil baka wasakin ka niya.”
22 Ngunit hindi nagbago ng isip si Josia. Ipinasya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Neco. Sa halip, nagbalat-kayo siya at umalis para labanan si Neco sa kapatagan ng Megido.
23 Pinana si Josia at nasugatan siya. Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Ilayo nʼyo ako rito, dahil malubha ang sugat ko.”
24 Kaya kinuha nila siya sa kanyang karwahe at dinala sa Jerusalem. Namatay siya roon at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya. Nagluksa para sa kanya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem.
25 Gumawa si Jeremias ng mga awit ng pagluluksa para kay Josia, at hanggang ngayon inaawit ito ng mga mang-aawit sa pag-alaala sa kanya. Ang mga awit ng pagluluksa ay palaging inaawit sa Israel, at nakasulat sa Aklat ng mga Pagluluksa.
26-27 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Josia, mula sa simula hanggang sa wakas ay nakasulat sa kasulatan ng kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. Nakasulat din dito ang tungkol sa pagmamahal ni Josia sa Panginoon na ipinakita niya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ng Panginoon.