1 Si Ahazia na bunsong anak ni Jehoram ang iniluklok ng mga mamamayan ng Jerusalem na kanilang hari. Sapagkat ang ibang mga anak ni Jehoram ay pinagpapatay ng mga tulisang Arabo na lumusob sa Juda. Kaya naghari sa Juda si Ahazia na anak ni Haring Jehoram.
2 Si Ahazia ay 22 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng isang taon. Ang ina niya ay si Atalia na apo ni Omri.
3 Sumunod din si Ahazia sa pamumuhay ng sambahayan ni Ahab, dahil hinikayat siya ng kanyang ina sa paggawa ng kasamaan.
4 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, dahil pagkatapos mamatay ng kanyang ama, naging tagapayo niya ang mga miyembro ng sambahayan ni Ahab.
5 Sinunod niya ang payo nila na kumampi kay Joram na anak ni Haring Ahab ng Israel. Sumama siya kay Joram sa pakikipaglaban kay Haring Hazael ng Aram. Naglaban sila sa Ramot Gilead, at nasugatan si Joram.
6 Kaya umuwi siya sa lungsod ng Jezreel para magpagaling ng sugat niya. Habang naroon siya, dinalaw siya ni Haring Ahazia ng Juda.
7 Ang pagdalaw ni Ahazia kay Joram ay ginamit ng Dios para lipulin si Ahazia. Nang naroon si Ahazia sa Jezreel, tinulungan niya si Joram para makipaglaban kay Jehu na anak ni Nimsi. Si Jehu ang pinili ng Panginoon para lipulin ang sambahayan ni Ahab.
8 Habang nililipol ni Jehu ang sambahayan ni Ahab, nakita niya ang mga opisyal ng Juda at ang mga anak ng mga kamag-anak ni Ahazia na sumama kay Ahazia. At pinagpapatay niya sila.
9 Pagkatapos, hinanap ng mga tauhan ni Jehu si Ahazia, at nakita nila ito na nagtatago sa lungsod ng Samaria. Dinala siya kay Jehu at pinatay. Siyaʼy inilibing nila dahil sabi nila, “Apo siya ni Jehoshafat, ang taong dumulog sa Panginoon ng buong puso.”Wala ni isang naiwan sa mga miyembro ng pamilya ni Ahazia ang may kakayahang maghari.
10 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazia, nagpasya siyang patayin ang lahat ng miyembro ng pamilya ng hari ng Juda.
11 Pero iniligtas ni Jehosheba ang anak ni Ahazia na si Joash nang papatayin na ito at ang iba pang mga anak ng hari. Si Jehosheba ay kapatid ni Ahazia at anak na babae ni Haring Jehoram, at asawa ng paring si Jehoyada. Itinago niya si Joash at ang kanyang yaya sa isang silid sa templo, kaya hindi siya napatay ni Atalia.
12 Sa loob ng anim na taon, nakatago sa templo ng Panginoon si Joash habang si Atalia ang namamahala sa kaharian at lupain.