1 Nag-utos si Solomon na magpatayo ng templo, para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon, at ng palasyo para sa kanyang sarili.
2 Nagpatawag siya ng 70,000 tagahakot, 80,000 tagatabas ng mga bato sa mababang bahagi ng bundok, at 3,600 kapatas.
3 Nagpadala si Solomon ng ganitong mensahe kay Haring Hiram ng Tyre: “Padalhan mo ako ng mga kahoy na sedro gaya ng ipinadala mo sa aking amang si David nang nagpatayo siya ng palasyo niya.
4 Magpapatayo ako ng templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Dios. Magiging banal ang lugar na ito na pinagsusunugan ng mabangong insenso, hinahandugan ng banal na tinapay, pinag-aalayan ng mga handog na sinusunog tuwing umaga at gabi at sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan at sa iba pang mga pista sa pagpaparangal sa Panginoon na aming Dios. Ang tuntuning itoʼy dapat tuparin ng mga Israelita magpakailanman.
5 “Napakalaki ng templo na itatayo ko, dahil makapangyarihan ang aming Dios kaysa sa ibang mga dios.
6 Ngunit sino nga ba ang makakagawang magpatayo ng templo para sa kanya? Sapagkat kahit ang pinakamataas na kalangitan, hindi magkakasya para sa kanya. Kaya sino ba ako na magpapatayo ng templo para sa kanya? Ang maitatayo ko lang ay ang lugar na pinagsusunugan ng mga handog sa kanyang presensya.
7 Kaya ngayon, padalhan mo ako ng taong mahusay gumawa sa mga ginto, pilak, tansoʼt bakal, at mahusay gumawa ng telang kulay ube, pula at asul, at mahuhusay na mang-uukit. Gagawa siya kasama ng aking mahuhusay na manggagawang taga-Juda at taga-Jerusalem, na pinili ng aking amang si David.
8 Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres at algum mula sa Lebanon, dahil alam kong mahusay ang mga tauhan mo sa pagputol ng kahoy. Tutulong ang mga tauhan ko sa mga tauhan mo
9 sa paghahanda ng maraming kahoy, dahil malaki at maganda ang templo na itatayo ko.
10 Babayaran ko ang iyong mga tagaputol ng kahoy ng 100,000 sako ng trigo, 100,000 sako ng sebada, 110,000 galon ng katas ng ubas at 110,000 galon ng langis ng olibo.”
11 Ito ang sulat na isinagot ni Haring Hiram ng Tyre kay Solomon:“Dahil iniibig ng Panginoon ang kanyang mga bayan, ginawa ka niyang hari nila.
12 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel na gumawa ng langit at lupa! Binigyan niya si haring David ng matalinong anak na puno ng kaalaman at pang-unawa, na magtatayo ng templo para sa Panginoon at nang palasyo para sa kanyang sarili.
13 “Ipapadala ko sa iyo si Huram Abi na isang mahuhusay na manggagawa.
14 Ang kanyang ina ay mula sa Dan at ang kanyang amaʼy mula sa Tyre. Dalubhasa siya sa paggawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy, at sa paggawa ng telang kulay ube, pula at asul, at pinong telang linen. Dalubhasa siya sa kahit anong uri ng pag-ukit, at makakagawa siya ng anumang uri ng disenyo na ipapagawa mo sa kanya. Gagawa siya kasama ng iyong manggagawa at ng mga manggagawa na pinili ng kagalang-galang na si David, na iyong ama.
15 “Ngayon, kagalang-galang na Solomon, ipadala mo sa amin ang trigo, sebada, alak at langis ng olibo na iyong ipinangako,
16 at puputulin namin ang maraming kahoy na kailangan mo. Pagkatapos, idudugtong namin na parang balsa at palulutangin sa dagat papunta sa Jopa. At kayo na ang magdadala nito sa Jerusalem.”
17 Sinensus ni Solomon ang lahat ng dayuhan gaya ng ginawa ni David na kanyang ama, at ang bilang ay 153,600.
18 Ginawa niya ang 70,000 sa kanila na tagahakot, 80,000 tagatabas ng bato sa mababang bahagi ng bundok, at ang 3,600 kapatas na mamamahala sa mga manggagawa.