1 Pagkatapos ng pista, ang mga Israelita na nagsidalo roon ay nagpunta sa mga bayan ng Juda, at pinagdudurog nila ang mga alaalang bato at pinagputol-putol ang mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera. Giniba nila ang mga sambahan sa matataas na lugar sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manase. Pagkatapos nilang gibain ang lahat ng ito, umuwi silang lahat sa kanilang mga bayan at lupain.
2 Ipinagbukod-bukod ni Hezekia ang mga pari at ang mga Levita ayon sa kani-kanilang gawain sa templo ng Panginoon – para mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon, para magpasalamat at umawit ng mga papuri sa mga pintuan ng templo.
3 Nagbigay si Hezekia ng sarili niyang mga hayop para sa mga handog na sinusunog sa umaga at sa gabi, at para rin sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan, at sa iba pang mga pista, ayon sa nakasulat sa Kautusan ng Panginoon.
4 Inutusan din niya ang mga tao na nakatira sa Jerusalem na ibigay sa mga pari at mga Levita ang kanilang bahagi para makapaglingkod sila nang lubusan sa Kautusan ng Panginoon.
5 Nang maipaalam na ito sa mga tao, bukas palad na nagbigay ang mga Israelita ng unang ani ng kanilang trigo, bagong katas ng ubas, langis, pulot at ng iba pang produkto ng lupa. Ibinigay nila ang ikapu ng lahat nilang produkto.
6 Ang mga taga-Israel na lumipat sa Juda, at ang mga taga-Juda ay nagbigay din ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at ng mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon na kanilang Dios, at tinipon nila ito.
7 Sinimulan nila ang pag-iipon nito nang ikatlong buwan, at natapos sa ikapitong buwan.
8 Nang makita ni Hezekia at ng kanyang mga opisyal ang mga nakatumpok na handog, pinuri nila ang Panginoon at ang mga mamamayan niyang Israelita.
9 Tinanong ni Hezekia ang mga pari at ang mga Levita tungkol sa mga nakatumpok.
10 Sumagot si Azaria, ang punong pari na mula sa angkan ni Zadok, “Mula nang nagsimulang magdala ang mga tao ng kanilang mga handog sa templo ng Panginoon, nagkaroon na kami ng sapat na pagkain at marami pang sumobra, dahil pinagpala ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan.”
11 Nag-utos si Hezekia na gumawa ng mga bodega sa templo ng Panginoon, at nangyari nga ito.
12 At matapat na dinala roon ng mga tao ang kanilang mga handog, mga ikapu at ang mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon. Si Conania na isang Levita ang siyang pinagkatiwalaan ng mga bagay na ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na lalaki na si Shimei.
13 Sina Jehiel, Azazia, Nahat, Azael, Jerimot, Jozabad, Eliel, Ismakia, Mahat, at Benaya ang mga tagapangasiwa sa ilalim ng pamamahala nina Conania at Shimei. Pinili sila nina Haring Hezekia at Azaria na punong opisyal ng templo ng Dios.
14 Si Kore na anak ni Imna na Levita, na tagapagbantay sa silangang pintuan ng templo, ang pinagkatiwalaan sa pamamahagi ng mga handog na kusang-loob na ibinibigay sa Dios, at sa mga bagay na itinalaga sa Panginoon at ng mga banal na handog.
15 Ang matatapat niyang katulong ay sina Eden, Miniamin, Jeshua, Shemaya, Amaria, at Secanias. Pumunta sila sa mga bayan na tinitirhan ng mga pari na kanilang kadugo at ipinamahagi sa kanila ang kanilang bahagi sa mga handog, ayon sa kanilang grupo at tungkulin, bata man o matanda.
16 Binigyan ang lahat ng mga lalaki na nasa tatlong taong gulang pataas ang edad, na pumupunta sa templo para gawin ang kanilang araw-araw na gawain ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo. Kasama na rin ang mga paring hindi nakalista sa talaan ng mga angkan ng mga pari.
17 Sila at ang mga pari na nakalista sa talaan ng mga angkan ay binigyan ng kanilang bahagi, at ganoon din ang mga Levita na nasa 20 taong gulang pataas, na naglilingkod ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo.
18 Binigyan din ang mga pamilya ng mga Levita – ang kanilang mga asawa, mga anak, pati ang maliliit nilang anak. Ginawa ito sa lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan. Sapagkat matapat din sila sa paglilinis ng kanilang sarili.
19 Tungkol naman sa mga pari na angkan ni Aaron, na nakatira sa mga bukirin sa palibot ng mga bayan at sa ibang mga bayan, may mga taong pinagkatiwalaan na mamigay ng kanilang bahagi at sa bahagi ng lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan.
20 Ganoon ang ginawa ni Hezekia sa buong Juda. Ginawa niya ang mabuti at ang tama, at naging tapat siya sa harapan ng Panginoon na kanyang Dios.
21 Naging matagumpay siya, dahil sa lahat ng ginawa niya sa templo ng Dios at sa pagsunod niya sa kautusan, dumulog siya sa kanyang Dios nang buong puso.