9 Kaya ngayon, Panginoong Dios, tuparin nʼyo po ang pangako nʼyo sa aking amang si David, dahil ginawa nʼyo po akong hari ng mga taong kasindami ng buhangin.
10 Bigyan nʼyo po ako ng karunungan at kaalaman para mapamahalaan ko ang mga taong ito. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa mga mamamayan ninyo na napakarami?”
11 Sinabi ng Dios kay Solomon, “Dahil humingi ka ng karunungan at kaalaman sa pamamahala ng aking mga mamamayan na kung saan ginawa kitang hari at hindi ka humingi ng kayamanan, o karangalan, o kamatayan ng iyong mga kalaban, o mahabang buhay,
12 ibibigay ko sa iyo ang iyong hinihingi. At hindi lang iyan, bibigyan din kita ng mga kayamanan at karangalan na hindi pa nakamtan ng sinumang hari noon at sa darating na panahon.”
13 Pagkatapos, umalis si Solomon sa Toldang Tipanan doon sa sambahan sa matataas na lugar na nasa Gibeon, at bumalik sa Jerusalem. At naghari siya sa Israel.
14 Nakapagtipon si Solomon ng 1,400 karwahe at 12,000 kabayo. Inilagay niya ang iba nito sa mga lungsod na taguan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem.
15 Nang panahong siya ang hari, ang pilak at ginto sa Jerusalem ay parang ordinaryong mga bato lang, at ang kahoy na sedro ay kasindami ng ordinaryong mga kahoy na sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.