1 Namatay si Abijah at inilibing sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari. Sa panahon ng paghahari niya, nagkaroon ng kapayapaan sa Juda sa loob ng sampung taon.
2 Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios.
3 Ipinagiba niya ang mga altar ng mga dios-diosan at ang mga sambahan sa matataas na lugar. Ipinagiba rin niya ang mga alaalang bato at pinaputol ang posteng simbolo ng diyosang si Ashera.
4 Inutusan niya ang mamamayan ng Juda na dumulog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at tumupad sa kanyang mga kautusan.
5 Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar at ang mga altar na pinagsusunugan ng mga insenso sa lahat ng bayan ng Juda. Kaya may kapayapaan ang kaharian ng Juda sa panahon ng paghahari ni Asa.
6 At habang mapayapa, pinalagyan niya ng mga pader ang mga lungsod ng Juda. Walang nakipaglaban sa kanya sa panahong ito, dahil binigyan siya ng Panginoon ng kapayapaan.
7 Sinabi ni Asa sa mga taga-Juda, “Patatagin natin ang mga bayan na ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pader sa paligid nito na may mga tore, at ng mga pintuan at mga kandado. Angkinin natin ang lupaing ito, dahil dumulog tayo sa Panginoon na ating Dios. Binigyan niya tayo ng kapayapaan sa ating mga kalaban sa paligid.” Kaya pinalakas nila ang bayan at naging maunlad sila.