6 Ngunit sino nga ba ang makakagawang magpatayo ng templo para sa kanya? Sapagkat kahit ang pinakamataas na kalangitan, hindi magkakasya para sa kanya. Kaya sino ba ako na magpapatayo ng templo para sa kanya? Ang maitatayo ko lang ay ang lugar na pinagsusunugan ng mga handog sa kanyang presensya.
7 Kaya ngayon, padalhan mo ako ng taong mahusay gumawa sa mga ginto, pilak, tansoʼt bakal, at mahusay gumawa ng telang kulay ube, pula at asul, at mahuhusay na mang-uukit. Gagawa siya kasama ng aking mahuhusay na manggagawang taga-Juda at taga-Jerusalem, na pinili ng aking amang si David.
8 Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres at algum mula sa Lebanon, dahil alam kong mahusay ang mga tauhan mo sa pagputol ng kahoy. Tutulong ang mga tauhan ko sa mga tauhan mo
9 sa paghahanda ng maraming kahoy, dahil malaki at maganda ang templo na itatayo ko.
10 Babayaran ko ang iyong mga tagaputol ng kahoy ng 100,000 sako ng trigo, 100,000 sako ng sebada, 110,000 galon ng katas ng ubas at 110,000 galon ng langis ng olibo.”
11 Ito ang sulat na isinagot ni Haring Hiram ng Tyre kay Solomon:“Dahil iniibig ng Panginoon ang kanyang mga bayan, ginawa ka niyang hari nila.
12 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel na gumawa ng langit at lupa! Binigyan niya si haring David ng matalinong anak na puno ng kaalaman at pang-unawa, na magtatayo ng templo para sa Panginoon at nang palasyo para sa kanyang sarili.