22 At nang nagsimula silang umawit ng mga papuri, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Moabita, Ammonita at mga taga-Bundok ng Seir.
23 Nilusob ng mga Ammonita at Moabita ang mga sundalo ng mga taga-Bundok ng Seir at nilipol silang lahat. Pagkatapos nilang pumatay, sila naman ang nagpatayan.
24 Pagdating ng mga sundalo ng Juda sa mataas na bahagi ng disyerto, nakita nila ang mga bangkay ng mga kalaban nila na nakahandusay sa lupa. Wala kahit isang buhay.
25 Kaya pinuntahan ito ni Jehoshafat at ng mga tauhan niya, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian. Marami ang kanilang nasamsam na mga gamit, mga damit, at iba pang mahahalagang bagay na halos hindi na nila madala. Inabot sila ng tatlong araw sa pagsamsam dahil sa sobrang dami ng mga ari-arian.
26 Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa Lambak ng Beraca kung saan nagpuri sila sa Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit tinawag itong Lambak ng Beraca hanggang ngayon.
27 Pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem na pinangunahan ni Jehoshafat. Masaya sila dahil pinagtagumpay sila ng Panginoon sa kanilang mga kalaban.
28 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa templo ng Panginoon, na tumutugtog ng mga alpa, lira at mga trumpeta.