1 Nang ikapitong taon, gumawa na ng hakbang si Jehoyada. Gumawa siya ng kasunduan sa limang kumander ng daan-daang sundalo. Silaʼy sina Azaria na anak ni Jehoram, Ishmael na anak ni Jehohanan, Azaria na anak ni Obed, Maaseya na anak ni Adaya at Elishafat na anak ni Zicri.
2 Umikot sila sa buong Juda para tipunin ang mga Levita at ang mga pinuno ng mga pamilya.Pagdating ng mga tao sa Jerusalem,
3 pumunta sila sa templo at gumawa ng kasunduan kay Joash, na anak ng hari. Sinabi ni Jehoyada sa mga tao, “Ito na ang panahon na ang anak ng hari ay dapat maghari. Nangako ang Panginoon na palaging mayroon sa angkan ni David na maghahari.
4 Ngayon, ito ang gagawin ninyo: Ang isa sa tatlong grupo ng pari at Levita, na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan ng templo.
5 Ang pangalawa sa tatlong grupo nila ay magbabantay sa palasyo ng hari. At ang huli sa tatlong grupo ay magbabantay sa Pintuan ng Sur. Ang ibaʼy doon sa bakuran ng templo ng Panginoon.
6 Walang papasok sa templo ng Panginoon, maliban lang sa mga pari at mga Levita na naglilingkod sa oras na iyon. Pwede silang pumasok dahil itinalaga sila para sa gawaing ito. Pero ang ibaʼy kailangang sa labas lang magbabantay ayon sa utos ng Panginoon.
7 Dapat bantayang mabuti ng mga Levita ang hari, na nakahanda ang kanilang mga sandata, at susundan nila siya kahit saan siya magpunta. Ang sinumang papasok sa templo na hindi pari o Levita ay dapat patayin.”