13 At nakita niya roon ang bagong hari na nakatayo malapit sa haligi, sa may pintuan ng templo. Nasa tabi ng hari ang mga kumander at ang mga tagatrumpeta, at ang lahat ng tao roon ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga mang-aawit ay nangunguna sa pagpupuri sa Dios, na tumutugtog ng mga instrumento. Nang makita itong lahat ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit sa sama ng loob, at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”
14 Inutusan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sundalo, “Dalhin ninyo sa labas si Atalia at patayin ang sinumang magliligtas sa kanya. Huwag nʼyo siyang patayin dito sa loob ng templo ng Panginoon.”
15 Kaya dinakip nila siya at dinala sa labas ng pintuan na dinadaanan ng mga kabayong papunta sa palasyo, at doon siya pinatay.
16 Pagkatapos, gumawa ng kasunduan sina Jehoyada, ang mga tao, at ang hari na magiging mamamayan sila ng Panginoon.
17 Pumunta agad ang lahat ng tao sa templo ni Baal at giniba ito. Dinurog nila ang mga altar at mga dios-diosan doon, at pinatay nila si Matan na pari ni Baal sa harapan ng mga altar.
18 Pagkatapos, ipinagkatiwala ni Jehoyada sa mga paring Levita ang pamamahala sa templo ng Panginoon gaya ng ginawa ni David noon. Maghahandog sila ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises, at magsasaya at aawit ayon sa iniutos ni David.
19 Nagpalagay din si Jehoyada ng mga guwardya ng pintuan ng templo ng Panginoon para walang makapasok na tao na itinuturing na marumi.