7 Dapat bantayang mabuti ng mga Levita ang hari, na nakahanda ang kanilang mga sandata, at susundan nila siya kahit saan siya magpunta. Ang sinumang papasok sa templo na hindi pari o Levita ay dapat patayin.”
8 Ginawa ng mga Levita at ng mga taga-Juda ang iniutos ng paring si Jehoyada. Tinipon ng mga kumander ang mga tauhan nila na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga, pati rin ang mga hindi nagbabantay sa araw na iyon. Hindi muna pinauwi ni Jehoyada ang mga Levita kahit tapos na ang kanilang takdang oras.
9 Pagkatapos, binigyan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sibat at ng malalaki at maliliit na pananggalang na pag-aari noon ni Haring David, na itinago sa templo ng Panginoon.
10 Pinapwesto niya ang mga armadong lalaki sa palibot ng templo at ng altar para protektahan ang hari.
11 Pagkatapos, pinalabas ni Jehoyada at ng kanyang mga anak si Joash na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan siya ng kopya ng mga tuntunin tungkol sa pamamahala ng hari, at idineklara siyang hari. Pinahiran siya ng langis para ipakita na siya na ang hari at sumigaw agad ang mga tao, “Mabuhay ang Hari!”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga tao na tumatakbo at nagsisigawan para papurihan ang hari, pumunta siya sa kanila roon sa templo ng Panginoon.
13 At nakita niya roon ang bagong hari na nakatayo malapit sa haligi, sa may pintuan ng templo. Nasa tabi ng hari ang mga kumander at ang mga tagatrumpeta, at ang lahat ng tao roon ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga mang-aawit ay nangunguna sa pagpupuri sa Dios, na tumutugtog ng mga instrumento. Nang makita itong lahat ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit sa sama ng loob, at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”