5 Tinipon ni Amazia ang kanyang mga sundalo na mula sa Juda at Benjamin. Binukod-bukod niya sila ayon sa kanilang pamilya at nilagyan ng mga kumander na mamamahala ng tig-100 at tig-1,000 sundalo. Pagkatapos, binilang niya ang kanyang mga sundalo na nasa 20 taong gulang pataas, at ang bilang ay 300,000. Silaʼy mahuhusay sa sibat at pananggalang.
6 Kumuha rin siya ng 100,000 sundalo mula sa Israel. Nagbayad siya ng 3,500 kilong pilak bilang upa sa mga sundalo.
7 Pero may isang lingkod ng Dios na pumunta kay Amazia at nagsabi, “Mahal na Hari, huwag po kayong kumuha ng mga sundalong mula sa Israel, dahil ang bayang iyon ay hindi pinapatnubayan ng Panginoon. Ang mga mamamayan ng Efraim ay hindi na tinutulungan ng Panginoon.
8 Kung pasasamahin nʼyo po sila sa labanan, matatalo kayo kahit makipaglaban pa kayo nang mabuti. Ang Dios lang ang makapagpapanalo o makapagpapatalo sa inyo.”
9 Sinabi ni Amazia sa lingkod ng Dios, “Pero paano ang ibinayad kong 3,500 kilong pilak?” Sumagot ang lingkod ng Dios, “Higit pa po riyan ang ibibigay ng Panginoon sa inyo.”
10 Kaya pinauwi ni Amazia ang mga sundalo na taga-Efraim. Umuwi sila na galit na galit sa Juda.
11 Buong tapang na lumusob si Amazia at pinangunahan niya ang kanyang mga sundalo sa pagpunta sa Lambak ng Asin, kung saan nakapatay sila ng 10,000 Edomita.