1 Ang ipinalit ng mga mamamayan ng Juda kay Amazia bilang hari ay ang anak nitong si Uzia na 16 na taong gulang.
2 Siya ang bumawi ng Elat at ang muling nagpatayo nito matapos mamatay ang ama niyang si Amazia.
3 Si Uzia ay 16 na taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 52 taon. Ang ina niya ay si Jecolia na taga-Jerusalem.
4 Matuwid ang ginawa ni Uzia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazia.
5 Dumulog siya sa Dios nang panahon ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa paggalang sa Dios. Hanggaʼt dumudulog siya sa Panginoon, binibigyan siya nito ng katagumpayan.
6 Nakipaglaban siya sa mga Filisteo at winasak niya ang mga pader sa mga lungsod ng Gat, Jabne at Ashdod. Pagkatapos, nagpatayo siya ng bagong mga bayan malapit sa Ashdod at sa iba pang mga bayan ng Filisteo.