21 Nagdala sila ng pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong batang tupa, at pitong lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para sa kanilang kaharian, sa templo at sa mga mamamayan ng Juda. Inutusan ni Haring Hezekia ang mga pari na mula sa angkan ni Aaron para ihandog ang mga iyon sa altar ng Panginoon.
22 Kaya kinatay ng mga pari ang mga toro at iwinisik ang dugo nito sa altar. Ganoon din ang ginawa sa mga lalaking tupa at sa mga batang tupa.
23 Ang mga kambing na handog sa paglilinis ay dinala nila sa hari at sa mga tao, at kanilang ipinatong ang kanilang mga kamay sa mga kambing.
24 Pagkatapos, kinatay ng mga pari ang mga kambing at ibinuhos ang dugo nito sa altar bilang handog para sa paglilinis ng kasalanan ng lahat ng mga Israelita. Sapagkat nag-utos ang hari na mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis para sa lahat ng Israelita.
25 Pagkatapos, nagtalaga si Hezekia ng mga Levita sa templo ng Panginoon na may mga pompyang, alpa at mga lira. Itoʼy ayon sa utos ng Panginoon kay Haring David sa pamamagitan ni Gad na propeta ni David at kay Propeta Natan.
26 Pumwesto ang mga Levita na may mga instrumento ni Haring David, at ang mga pari na may mga trumpeta.
27 At nag-utos si Hezekia na ihandog sa altar ang mga handog na sinusunog. Habang naghahandog, umaawit ng mga papuri sa Panginoon ang mga tao, na tinutugtugan ng mga trumpeta at iba pang mga instrumento ni Haring David ng Israel.