23 Ang mga kambing na handog sa paglilinis ay dinala nila sa hari at sa mga tao, at kanilang ipinatong ang kanilang mga kamay sa mga kambing.
24 Pagkatapos, kinatay ng mga pari ang mga kambing at ibinuhos ang dugo nito sa altar bilang handog para sa paglilinis ng kasalanan ng lahat ng mga Israelita. Sapagkat nag-utos ang hari na mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis para sa lahat ng Israelita.
25 Pagkatapos, nagtalaga si Hezekia ng mga Levita sa templo ng Panginoon na may mga pompyang, alpa at mga lira. Itoʼy ayon sa utos ng Panginoon kay Haring David sa pamamagitan ni Gad na propeta ni David at kay Propeta Natan.
26 Pumwesto ang mga Levita na may mga instrumento ni Haring David, at ang mga pari na may mga trumpeta.
27 At nag-utos si Hezekia na ihandog sa altar ang mga handog na sinusunog. Habang naghahandog, umaawit ng mga papuri sa Panginoon ang mga tao, na tinutugtugan ng mga trumpeta at iba pang mga instrumento ni Haring David ng Israel.
28 Ang buong kapulungan ay lumuhod sa pagsamba sa Panginoon habang umaawit ang mga mang-aawit at nagpapatugtog ang mga tagatrumpeta hanggang sa maialay ang lahat ng handog na sinusunog.
29 Pagkatapos ng paghahandog, lumuhod si Haring Hezekia at ang lahat ng kasama niya, at sumamba sa Panginoon.