21 At nagpadala ang Panginoon ng anghel na lumipol sa matatapang na sundalo, mga kumander, at sa mga opisyal sa kampo ng hari ng Asiria. Kaya umuwi si Haring Senakerib na labis na napahiya. At nang pumasok siya sa templo ng kanyang dios, pinatay siya ng iba niyang mga anak sa pamamagitan ng espada.
22 Kaya iniligtas ng Panginoon si Hezekia at ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kamay ni Haring Senakerib ng Asiria at sa kamay ng iba pang mga kalaban. Binigyan niya sila ng kapayapaan sa kanilang paligid.
23 Maraming tao ang nagdala ng mga handog sa Jerusalem para sa Panginoon. Nagdala rin sila ng mga mamahaling regalo kay Haring Hezekia. Mula noon, pinarangalan si Hezekia ng lahat ng bansa.
24 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia at halos mamatay na. Nanalangin siya sa Panginoon, at binigyan siya ng Panginoon ng isang tanda na gagaling siya.
25 Pero nagyabang si Hezekia at binalewala niya ang kabutihang ipinakita ng Panginoon sa kanya. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanya at sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem.
26 Pagkatapos, nagsisi si Hezekia sa kanyang pagmamalaki, at ganoon din ang mga mamamayan ng Jerusalem. Kaya hindi ipinadama ng Panginoon ang kanyang galit sa kanila habang nabubuhay pa si Hezekia.
27 Si Hezekia ay mayaman at tanyag. Nagpagawa siya ng mga bodega para sa kanyang mga pilak, ginto, mamahaling bato, pampalasa, pananggalang at iba pang mamahaling bagay.