24 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia at halos mamatay na. Nanalangin siya sa Panginoon, at binigyan siya ng Panginoon ng isang tanda na gagaling siya.
25 Pero nagyabang si Hezekia at binalewala niya ang kabutihang ipinakita ng Panginoon sa kanya. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanya at sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem.
26 Pagkatapos, nagsisi si Hezekia sa kanyang pagmamalaki, at ganoon din ang mga mamamayan ng Jerusalem. Kaya hindi ipinadama ng Panginoon ang kanyang galit sa kanila habang nabubuhay pa si Hezekia.
27 Si Hezekia ay mayaman at tanyag. Nagpagawa siya ng mga bodega para sa kanyang mga pilak, ginto, mamahaling bato, pampalasa, pananggalang at iba pang mamahaling bagay.
28 Nagpagawa rin siya ng mga bodega para sa kanyang mga trigo, bagong katas ng ubas at langis. Bukod pa rito, nagpagawa rin siya ng mga kulungan para sa kanyang mga hayop,
29 dahil napakarami niyang hayop. Nagpatayo rin siya ng mga bayan, dahil binigyan siya ng Panginoon ng maraming kayamanan.
30 Si Hezekia ang nag-utos na lagyan ng harang ang dinadaanan ng tubig na mula sa bukal ng Gihon at padaluyin ito papunta sa kanluran ng Lungsod ni David. Nagtagumpay si Hezekia sa lahat ng kanyang ginawa.