8 Mga tao lang ang kasama niya; pero tayo, kasama natin ang Panginoon na ating Dios. Siya ang tutulong sa atin at makikipaglaban para sa atin.” Kaya tumatag ang mga tao dahil sa sinabi ni Haring Hezekia ng Juda.
9 Habang nilulusob ni Haring Senakerib at ng kanyang mga sundalo ang lungsod ng Lakish, isinugo niya ang kanyang mga opisyal sa Jerusalem para sabihin ito kay Haring Hezekia at sa mga mamamayan doon:
10 “Ito ang sinabi ni Haring Senakerib ng Asiria: ‘Ano ba ang inaasahan ninyo at nananatili pa rin kayo sa Jerusalem kahit pinalilibutan na namin kayo?
11 Sinabi ni Hezekia sa inyo na ililigtas kayo ng Panginoon na inyong Dios sa kamay ng hari ng Asiria, pero inililigaw lang niya kayo para mamatay kayo sa gutom at uhaw.
12 Hindi baʼt si Hezekia mismo ang nagpagiba ng mga sambahan ng Panginoon sa matataas na lugar, pati ng mga altar nito? Nag-utos pa siya sa inyong mga taga-Juda at Jerusalem na sa isang altar lang kayo sumamba at magsunog ng mga handog.
13 “ ‘Nalalaman nʼyo kung anong ginawa ko at ng aking mga ninuno sa mga mamamayan ng ibang mga bansa. Nailigtas ba sila ng kanilang mga dios mula sa aking mga kamay?
14 Wala ni isa man sa mga dios ng mga bansa na nilipol ko nang lubusan o ng aking mga ninuno ang nakapagligtas sa kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay. Makakapagligtas ba sa inyo ang inyong dios mula sa aking mga kamay?