12 Sa kanyang paghihirap, nagpakumbaba siya at nagmakaawa sa Panginoon na kanyang Dios, na Dios din ng kanyang mga ninuno.
13 At nang nanalangin siya, pinakinggan siya ng Panginoon. Naawa ang Panginoon sa kanyang mga pagmamakaawa. Kaya pinabalik siya ng Panginoon sa Jerusalem at sa kaharian niya. At napagtanto ni Manase na ang Panginoon ang Dios.
14 Simula noon, ipinaayos ni Manase ang panlabas na pader ng Lungsod ni David mula sa kanluran ng Gihon, sa may lambak hanggang sa pintuan na tinatawag na Isda, paliko sa bulubundukin ng Ofel. Pinataasan din niya ito. Pagkatapos, naglagay siya ng mga pinuno sa lahat ng napapaderang lungsod ng Juda.
15 Ipinaalis niya ang mga dios-diosan ng taga-ibang bansa at ang imahen sa templo ng Panginoon. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinatayo niya sa burol na kinatatayuan ng templo at ang mga altar sa ibang bahagi ng Jerusalem, at ipinatapon niya ito sa labas ng lungsod.
16 Pagkatapos, ipinaayos niya ang altar ng Panginoon, at pinag-alayan ng mga handog para sa mabuting relasyon at mga handog ng pasasalamat. Sinabihan niya ang mga mamamayan ng Juda na maglingkod sa Panginoon, ang Dios ng Israel.
17 Ganoon pa man, naghahandog pa rin ang mga tao sa mga sambahan sa matataas na lugar, pero ang Panginoon lang na kanilang Dios ang hinahandugan nila.
18 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Manase, pati ang pananalangin niya sa Dios at ang mga sinabi ng mga propeta sa kanya sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.