12-13 Naging matapat ang mga manggagawa sa kanilang trabaho. Pinamahalaan sila ng apat na Levita na sina Jahat at Obadias, na mula sa angkan ni Merari, at Zacarias at Meshulam, na mula sa angkan ni Kohat. Nasa ilalim ng kanilang pamamahala ang mga manggagawa na may ibaʼt ibang trabaho. Mahuhusay magsitugtog ng mga instrumento ang mga Levita, at ang iba sa kanilaʼy mga kalihim, mga dalubhasa sa pagsulat ng mga dokumento, at mga tagapagbantay ng mga pintuan ng templo.
14 Habang kinukuha ang pera na kinolekta sa templo ng Panginoon, nakita ni Hilkia na pari ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon na ibinigay sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises.
15 Ibinalita niya kay Shafan, na kalihim ng hari, na nakita niya ang Aklat ng Kautusan sa templo ng Panginoon. Pagkatapos, ibinigay niya ito kay Shafan,
16 at dinala ito ni Shafan sa hari. Sinabi niya agad sa hari, “Kaming mga opisyal ay ginawa ang lahat ng ipinagawa nʼyo sa amin.
17 Kinuha namin ang pera sa templo ng Panginoon at ibinigay sa mga pinagkatiwalaan sa pag-aayos ng templo.”
18 Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay sa aking aklat si Hilkia na pari.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.
19 Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit sa hinagpis.