19 Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit sa hinagpis.
20 Nag-utos agad siya kina Hilkia, Ahikam na anak ni Shafan, Abdon na anak ni Micas, Shafan na kalihim, at Asaya na kanyang personal na lingkod. Sinabi niya,
21 “Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga naiwang mamamayan ng Israel at Juda tungkol sa nakasulat sa natagpuang aklat. Matindi ang galit ng Panginoon sa atin dahil hindi natupad ang mga nakasulat sa aklat.”
22 Kaya pumunta si Hilkia at ang mga kasama niya sa isang propetang babae na si Hulda, na nakatira sa bagong bahagi ng Jerusalem. Si Hulda ay asawa ni Shalum na anak ni Tokat at apo ni Hasra. Si Shalum ang nagbabantay ng mga damit sa templo.
23-24 Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin nʼyo sa mga tao na nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga mamamayan nito, ayon sa nakasulat sa aklat na binasa sa inyong harapan.
25 Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinaboy ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa kanilang mga ginawa.’
26 “Pero sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: