13 Nagrebelde rin siya kay Haring Nebucadnezar, kahit pinanumpa siya nito sa pangalan ng Dios na hindi siya maghihimagsik sa kanya. Naging matigas ang puso ni Zedekia, at ayaw niyang manumbalik sa Panginoon, ang Dios ng Israel.
14 Gayon din ang lahat ng punong pari at ang mga mamamayan ay hindi naging tapat sa Dios. Sinunod nila ang kasuklam-suklam na mga ginagawa ng ibang mga bansa at dinungisan ang templo ng Panginoon, na itinalagang banal sa Jerusalem.
15 Laging nakikipag-usap sa kanila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, dahil naawa siya sa kanila at sa kanyang templo.
16 Pero hinamak nila ang mga propeta ng Dios, pinagtawanan, at binalewala ang kanilang mga mensahe. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanila, at wala nang makakapigil sa kanya.
17 Ipinalusob niya ang mga taga-Babilonia sa kanila. Pinatay ng mga taga-Babilonia ang kanilang mga kabataang lalaki kahit sa templo. Wala silang awa kahit kaninuman, lalaki man o babae, bata man o matanda, sakitin man o hindi. Ipinaubaya ng Dios ang lahat niyang mamamayan kay Nebucadnezar.
18 Dinala ni Nebucadnezar sa Babilonia ang lahat ng kagamitan sa templo ng Dios, maliliit at malalaki, at ang lahat ng kayamanan ng templo, ng hari, at ng kanyang mga opisyal.
19 Pagkatapos, sinunog nila ang templo ng Dios at tinibag ang pader ng Jerusalem. Sinunog din nila ang lahat ng matitibay na bahagi ng lungsod, at giniba ang lahat ng mamahaling bagay.