10 Walang ibang laman ang Kahon maliban sa dalawang malalapad na bato na inilagay ni Moises noong nandoon siya sa Horeb, kung saan gumawa ng kasunduan ang Panginoon sa mga Israelita pagkatapos nilang lumabas sa Egipto.
11 Pagkatapos, lumabas ang mga pari sa Banal na Lugar. Ang lahat ng pari na naroon ay nagpakalinis, oras man ng kanilang paglilingkod o hindi.
12 Ang mga musikerong Levita na sina Asaf, Heman, Jedutun at ang kanilang mga anak at mga kamag-anak ay tumayo sa bandang silangan ng altar. Nakasuot sila ng pinong linen at tumutugtog ng pompyang, alpa at lira. Sinasamahan sila ng 120 pari na nagpapatunog ng trumpeta.
13 Ang mga mang-aawit ay nagpuri at nagpasalamat sa Panginoon na tinutugtugan ng mga trumpeta, pompyang at iba pang mga instrumento. Ito ang kanilang inaawit:“Ang Panginoon ay mabuti; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.”Pagkatapos, may ulap na bumalot sa templo ng Panginoon.
14 Hindi na makaganap ang mga pari ng kanilang gawain sa templo dahil sa ulap, dahil binalot ng makapangyarihang presensya ng Panginoon ang kanyang templo.