2 Cronica 7:5-11 ASND

5 Naghandog sila ng 22,000 baka at 120,000 tupaʼt kambing. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng mga mamamayan ang templo ng Panginoon.

6 Pumwesto ang mga pari sa templo, at ganoon din ang mga Levita na umaawit, “Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.” Tinutugtog nila ang awit gamit ang mga instrumento na ipinagawa ni Haring David sa pagpupuri sa Dios. Sa harap ng mga Levita, ang mga pari ay nagpapatunog din ng mga trumpeta nila habang nakatayo ang lahat ng mga Israelita.

7 Itinalaga ni Solomon ang bakuran sa harap ng templo ng Panginoon para roon mag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, at mga taba bilang handog para sa mabuting relasyon. Dahil ang tansong altar na ipinagawa niya ay hindi kakasya para sa mga handog na ito.

8 Nagdiwang pa si Solomon at ang lahat ng mga Israelita ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ng pitong araw. Napakarami ng mga mamamayan na nagtipon mula sa Lebo Hamat sa gawing hilaga hanggang sa Lambak ng Egipto sa gawing timog.

9 Nang ikawalong araw, ginanap nila ang huling pagtitipon, dahil ipinagdiwang nila ang pagtatalaga ng altar at ng buong templo nang ikapitong araw at ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol nang ikapito ring araw.

10 Kinabukasan, na siyang ika-23 araw ng ikapitong buwan, pinauwi ni Solomon ang mga tao. Umuwi sila na masaya dahil sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon kay David at kay Solomon, at sa mga mamamayan niyang Israelita.

11 Nang matapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. Natapos niya ang lahat ng binalak niya para rito.