15 Pumunta nga si Batsheba sa silid ng hari. Ang hari noon ay matandang-matanda na at si Abisag, ang dalagang taga-Sunem ang nag-aalaga sa kanya.
16 Yumuko si Batsheba at nagpatirapa sa harapan ng hari. “Anong kailangan mo?” tanong ng hari.
17 Sumagot siya, “Mahal kong hari, ipinangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos ninyong si Yahweh na ang anak kong si Solomon ang magiging hari kapalit ninyo.
18 Subalit naghahari na ngayon si Adonias nang hindi ninyo nalalaman.
19 Nagpatay po siya ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya sa pagdiriwang na iyon ang mga anak ng hari, ang paring si Abiatar at si Joab, ang pinakamataas na pinuno ng inyong hukbo. Ngunit hindi niya inanyayahan ang inyong lingkod na si Solomon.
20 Kaya po, mahal na hari, hinihintay ng buong bayang Israel na sabihin ninyo kung sino talaga ang hahalili sa inyo bilang hari.
21 At kung hindi, pagkamatay po ninyo'y manganganib ang buhay ko at ng anak kong si Solomon.”