1 Labing-tatlong taon naman ang ginugol ni Solomon sa pagpapagawa ng kanyang palasyo.
2 Ang gusaling tinatawag na Gubat ng Lebanon ay may apatnapu't limang metro ang haba, dalawampu't dalawa't kalahating metro ang luwang at labing-tatlo't kalahating metro ang taas. Ang gusaling ito ay may apat na hanay ng haliging sedar, na siyang kinapapatungan ng mga bigang sedar.
3 Sedar din ang bubong ng mga silid na nakapatong sa apatnapu't limang haligi.
4 Tatlong hanay ang mga bintana, at ang mga ito'y magkakatapat.
5 Parihaba ang mga hamba ng mga pinto at bintana, at pawang magkakatapat.
6 Nagpagawa rin siya ng Bulwagan ng mga Haligi na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang haba at labing-tatlo't kalahating metro naman ang luwang. Sa pagpasok nito ay may isang pasilyong may bubong.
7 Ang silid na kinalalagyan ng trono na tinatawag ding Bulwagan ng Katarungan at kung saan nagbibigay ng hatol si Solomon, ay may dingding, sahig at kisame na tablang sedar.
8 Sa likod naman ng bulwagang iyon ay nagpagawa siya ng kanyang tirahan, at ang yari nito'y tulad ng silid Hukuman. Ang kanyang reyna, ang anak ng Faraon, ay ipinagtayo rin niya ng tirahan, at ito'y katulad ng sa kanya.
9 Ang lahat ng gusali ay yari sa naglalakihang bato na tinabas ng lagari sa likod at harap.
10 May tatlo't kalahating metro ang sukat ng mga batong ginamit sa pundasyon, at mayroon ding apat at kalahating metro.
11 Sa paitaas naman, mamahaling batong tinabas at mga trosong sedar ang ginamit.
12 Gaya ng portiko at patyo ng Templo, ang patyo ng palasyo ay naliligid ng tatlong hanay na batong tinabas at isang hanay na trosong sedar.
13 Ipinatawag ni Solomon sa Tiro si Hiram,
14 anak ng isang balo mula sa lipi ni Neftali na napangasawa ng isang manggagawa ng mga kagamitang tanso na taga-Tiro. Si Hiram ay matalinong manggagawa, at mahusay gumawa ng anumang kagamitang tanso. Siya ang ipinatawag ni Haring Solomon upang gumawa ng lahat ng kagamitang yari sa tanso.
15 Gumawa siya ng dalawang haliging tanso. Walong metro ang taas ng mga ito at lima't kalahating metro ang sukat sa pabilog.
16 Ang bawat haligi ay nilagyan niya ng koronang tanso na dalawa't kalahating metro ang taas.
17 Gumawa pa siya ng dalawang palamuting animo'y kadena na pinalawit niya sa dakong ibaba ng kapitel, pitong likaw bawat kapitel.
18 Naghulma pa siya ng mga hugis granadang tanso na inilagay niya sa ibaba at itaas ng palamuting kadena, dalawang hanay bawat korona ng haligi.
19 Ang mga korona naman ng mga haligi ay hugis bulaklak ng liryo at dalawang metro ang taas.
20 Sa ibaba nito nakapaligid ang mga granadang tanso, 200 bawat kapitel.
21 Ang mga haliging ito ay itinayo sa pasilyong nasa harap ng Templo, sa magkabilang tabi ng pinto. Ang kanan ay tinawag na Jaquin at ang kaliwa'y Boaz.
22 At sa ibabaw ng mga haligi'y nilagyan ng mga kapitel na hugis-liryo. Dito natapos ang paggawa ng mga haligi.
23 Gumawa si Hiram ng isang malaking ipunan ng tubig apat at kalahating metro ang luwang ng labi nito, dalawa't kalahating metro ang lalim at labing-tatlo't kalahating metro naman ang sukat sa pabilog.
24 Sa gilid nito'y nakapaikot ang palamuting hugis upo, sampu sa bawat kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na kasamang hinulma ng ipunan.
25 Ang ipunan ay ipinatong sa gulugod ng labindalawang torong tanso, na magkakatalikuran: tatlo ang nakaharap sa silangan, tatlo sa kanluran, tatlo sa hilaga at tatlo sa timog.
26 Tatlong pulgada ang kapal ng ipunan at ang labi nito'y parang labi ng tasa, hugis bulaklak ng liryo. Ang ipunang tanso ay naglalaman ng 10,000 galong tubig.
27 Gumawa pa siya ng sampung patungang tanso para sa mga hugasan. Bawat isa'y dalawang metro ang haba at lapad; isa't kalahating metro naman ang taas.
28 Ang mga ito ay ginawang parisukat na dingding na nakahinang sa mga balangkas.
29 Ang bawat dingding ay may mga nakaukit na larawan ng leon, baka, at kerubin. Ang mga gilid naman ng balangkas sa itaas at ibaba ng leon at baka ay may mga nakaukit na palamuting bulaklak na hugis korona.
30 Ang bawat patungan ay may apat na gulong na tanso at mga eheng tanso. Sa apat na sulok ng patungan ay may apat na tukod na tanso na siyang patungan ng hugasan.
31 Sa ibabaw ng mga tukod na ito ay may pabilog na balangkas para patungan ng hugasan at may taas na kalahating metro. Ang butas ng korona ay bilog at may 0.7 metro ang lalim. Ngunit parisukat ang ibabaw ng patungan, at ito'y may mga dibuhong nakaukit.
32 Ang bastidor ay nakapatong sa mga ehe ng gulong. Ang mga gulong naman ay nasa ilalim ng mga dingding. Dalawampu't pitong pulgada ang taas ng mga gulong,
33 at ang mga ito'y parang mga gulong ng karwahe; ang mga ehe, gilid, rayos at ang panggitnang bahagi ng gulong ay yaring lahat sa tanso.
34 Ang mga tukod naman sa apat na sulok at ang patungan ay iisang piraso.
35 Ang ibabaw ng patungan ay may leeg na pabilog, siyam na pulgada ang taas. Dito nakasalalay ang labi ng hugasan. Ang leeg, ang kanyang suporta at ang ibabaw ng patungan ay iisang piyesa lamang,
36 at ito'y may mga disenyong kerubin, leon, baka at mga punong palma.
37 Ganyan ang pagkayari ng sampung patungang tanso; iisa ang pagkakahulma, iisang sukat at iisang hugis.
38 Gumawa rin siya ng sampung hugasang tanso, tig-isa ang bawat patungan. Dalawang metro ang luwang ng labi, at naglalaman ang bawat isa ng 880 litrong tubig.
39 Inilagay niya ang lima sa gawing kaliwa at ang lima'y sa gawing kanan ng Templo. Samantala, ang tangkeng tanso ay nasa gawing kanan ng Templo, sa sulok na timog-silangan.
40 Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, mga pala at mga mangkok. Natapos nga niyang lahat ang mga ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon:
41 ang dalawang haliging tanso, ang mga kapitel nito at mga kadenang nakapalamuti sa kapitel;
42 ang 400 hugis granada na nakapaligid nang dalawang hanay sa puno ng kapitel;
43 ang sampung hugasan at ang kani-kanilang mga patungan;
44 ang tangkeng tanso at ang labindalawang toro na kinapapatungan niyon;
45 ang mga kaldero, pala at mangkok.Ang lahat ng nasabing kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon kay Hiram ay purong tanso.
46 Ipinahulma niya ang lahat ng iyon sa kapatagan ng Jordan sa isang pagawaang nasa pagitan ng Sucot at Zaretan.
47 Hindi na ipinatimbang ni Solomon ang mga kasangkapang tanso sapagkat napakarami ng mga iyon.
48 Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ginto na nasa Templo ni Yahweh: ang altar na sunugan ng insenso, ang mesang patungan ng tinapay na handog;
49 ang mga patungan ng ilawan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, lima sa kanan at lima sa kaliwa; ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at pang-ipit ng mitsa;
50 ang mga tasang lalagyan ng langis, ang mga pamutol ng mitsa, ang mga mangkok, ang mga sisidlan ng insenso at lalagyan ng apoy; at ang mga paikutan ng mga pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at gayundin ng mga pinto ng Dakong Banal.
51 Natapos ngang lahat ang mga ipinagawa ni Solomon para sa Templo ni Yahweh. Tinipon din niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitang inihandog ng kanyang amang si David, at itinago sa lalagyan ng kayamanan ng Templo.