1 Umibig si Solomon sa maraming dayuhang babae. Bukod pa sa anak ni Faraon, nag-asawa siya ng mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonio at Heteo.
2 Ipinagbabawal ni Yahweh sa mga Israelita ang mag-asawa sa mga banyagang ito. “Huwag kayong mag-aasawa sa mga lahing iyan sapagkat tiyak na ililigaw nila kayo at hihikayating sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan,” sabi ni Yahweh. Ngunit nahulog ang loob ni Solomon sa mga babaing ito.
3 Ang mga asawa niyang mula sa lipi ng mga hari ay pitong daan, at ang kanya namang mga asawang-lingkod ay tatlong daan.
4 Nang matanda na si Solomon, nahikayat siya ng mga ito na sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Hindi siya nanatiling tapat kay Yahweh; hindi niya sinundan ang halimbawa ni David na kanyang ama.
5 Sumamba si Solomon kay Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio at kay Milcom, ang karumal-dumal na diyos ng mga Ammonita.
6 Gumawa nga ng kasamaan si Solomon laban kay Yahweh, at hindi niya sinundan ang halimbawa ng kanyang amang si David, na buong katapatang naglingkod kay Yahweh.
7 Sa burol na nasa silangan ng Jerusalem ay nagtayo si Solomon ng sambahan para kay Cemos, ang karumal-dumal na diyos ng Moab, at para kay Molec, ang kasuklam-suklam na diyos ng mga Ammonita.
8 Ipinagpagawa niya ng kanya-kanyang mga altar ang mga diyus-diyosan ng lahat niyang mga asawang dayuhan, at ang mga ito'y nagsunog doon ng insenso at naghain ng mga handog.
9 Nagalit si Yahweh kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na nagpakita sa kanya si Yahweh
10 at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyosan. Ngunit hindi niya sinunod si Yahweh.
11 Kaya nga't sinabi nito sa kanya, “Dahil sumira ka sa ating kasunduan at sinuway mo ang aking mga utos, aalisin ko sa iyo ang kaharian at ibibigay ko sa isang lingkod mo.
12 Ngunit alang-alang kay David na iyong ama, hindi ko gagawin ito sa panahon ng paghahari mo, kundi sa panahon ng paghahari ng iyong anak.
13 Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanya alang-alang kay David na aking lingkod, at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili.”
14 Ipinahintulot ni Yahweh na magkaroon ng kaaway si Solomon: ang Edomitang si Hadad, buhat sa lipi ng mga hari ng Edom.
15 Nang masakop ni David ang Edom, pumunta roon si Joab, ang pinuno ng kanyang hukbo, upang ipalibing ang mga nasawi sa labanan.
16 Anim na buwan siyang nanatili sa Edom, kasama ang buong hukbo ng Israel, at hindi sila umalis hangga't hindi nila napapatay lahat ang mga lalaki roon.
17 Subalit si Hadad na bata pa noon ay nakatakas patungo sa Egipto sa tulong ng ilang Edomitang tauhan ng kanyang ama.
18 Buhat sa Midian nagtungo sila sa Paran, at doo'y nakakuha sila ng ilan pang mga lalaki na isinama nila sa Egipto. Tinanggap siya ng Faraon, ang hari ng Egipto, binigyan ng bahay, lupa at lahat ng kailangan.
19 Napamahal si Hadad sa Faraon, at napangasawa niya ang hipag nito, ang kapatid na babae ni Reyna Tafnes.
20 Nagkaanak sila ng isang lalaki na tinawag nilang Genubat. Nang ito'y maaaring ihiwalay sa ina, ito'y kinuha ng reyna at pinalaki sa palasyo, kasama ng mga anak ng Faraon.
21 Nang mabalitaan ni Hadad na patay na si David at pati na rin si Joab, ang pinuno ng hukbo ng Israel, nagpaalam siya sa Faraon. “Ipahintulot po ninyong umuwi ako sa aming bayan,” wika niya.
22 “Kinukulang ka pa ba rito ng anuman at gusto mo nang umuwi sa inyo?” tanong ng Faraon.“Hindi po naman,” sagot ni Hadad. “Ngunit ipahintulot po ninyong makauwi muna ako sa amin.”
23 May isa pang kaaway na ginamit si Yahweh laban kay Solomon: si Rezon na anak ni Eliada. Tumakas siya sa kanyang amo, si Hadadezer na hari ng Zoba.
24 Nagtipon siya ng mga tauhan at naging pinuno ng isang pangkat ng mga tulisan. Nangyari ito nang talunin ni David si Hadadezer at pinatay ang mga kakampi nitong taga-Siria. Si Rezon at ang pangkat niya ay nanirahan sa Damasco at doo'y ginawa siyang hari ng Siria ng kanyang mga tauhan.
25 Naging kaaway siya ng Israel sa buong panahon ng paghahari ni Solomon.
26 Isa pa sa mga lumaban kay Solomon ay isa ring tauhan niya, si Jeroboam na anak ng Efrateong si Nebat na taga-Sereda. Ang ina niya'y si Serua na isang biyuda.
27 Ito ang kasaysayan ng kanyang paghihimagsik laban sa hari. Ipinagagawa ni Solomon ang muog ng Millo at pinatatakpan ang mga butas sa pader ng Lunsod ng Jerusalem.
28 Si Jeroboam ay isang lalaking may kakayahan kaya't nang makita ito ni Solomon, inilagay itong tagapamahala ng lahat ng gawaing bayan sa lupain ng angkan ni Jose.
29 Isang araw, lumabas ng Jerusalem si Jeroboam at nasalubong niya si Ahias, ang propetang taga-Shilo. Ito'y nag-iisa, at bago ang dalang balabal.
30 Walang anu-ano'y inalis ni Ahias ang kanyang balabal at pinagpunit-punit sa labindalawang piraso.
31 Sabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso sapagkat ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Hahatiin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi.
32 Matitira sa kanya ang isang lipi, alang-alang kay David na aking lingkod at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili mula sa lahat ng lipi ng Israel.
33 Ginawa ko ito sapagkat tinalikuran niya ako at naglingkod siya kay Astarte, ang diyos ng mga Sidonio, kay Cemos, ang diyos ng Edom at kay Molec, ang diyos ng mga Ammonita. Hindi siya namuhay nang ayon sa kalooban ko. Hindi niya ginawa ang gusto ko, at hindi niya sinunod ang aking mga utos at tuntunin. Hindi nga niya sinundan ang halimbawa ni David.
34 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang kaharian habang siya'y nabubuhay. Pananatilihin ko siyang hari alang-alang kay David, ang aking lingkod na tumupad ng aking mga utos.
35 Ngunit kukunin ko ang malaking bahagi ng kaharian mula sa kanyang anak, at ang sampung lipi ay ibibigay ko sa iyo.
36 Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanyang anak. Sa gayon, ang lingkod kong si David ay laging magkakaroon ng isang apo na maghahari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ko upang doo'y sambahin ako.
37 Ikaw nga ang maghahari sa Israel at ilalagay ko sa ilalim ng iyong pamamahala ang lahat ng lupang magugustuhan mo.
38 Kung susundin mo ang lahat ng aking mga utos, kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban; kung ang iyong mga gawa'y magiging kalugud-lugod sa aking paningin at susundin mo ang aking mga batas at tuntunin, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod, ako'y sasaiyo. Pananatilihin ko ang iyong angkan tulad ng ginawa ko kay David. Ibibigay ko sa iyo ang Israel,
39 at paparusahan ko ang mga anak at apo ni David, ayon sa nararapat sa kanila. Gayunman, ito'y hindi panghabang panahon.’”
40 Dahil dito, sinikap ni Solomon na ipapatay si Jeroboam. Ngunit ito'y nakatakas at nagpunta kay Shishak, hari ng Egipto. Nanatili siya hanggang sa pagkamatay ni Solomon.
41 Ang iba pang kasaysayan ni Solomon, ang kanyang mga ginawa at mga karunungan ay pawang nakasulat sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon.
42 Naghari siya sa buong Israel sa loob ng apatnapung taon.
43 Nang siya'y mamatay, inilibing ang kanyang bangkay sa Lunsod ni David na kanyang ama. Humalili sa kanya ang anak niyang si Rehoboam.