1 Nang malapit nang mamatay si David, pinagbilinan niya si Solomon ng ganito:
2 “Malapit na akong mamatay. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob.
3 Tuparin mo ang iyong tungkulin kay Yahweh na iyong Diyos, at mamuhay ka ayon sa kanyang kalooban. Sundin mo ang kanyang mga batas, utos, hatol at tuntunin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sa gayon, magtatagumpay ka sa lahat mong gawain,
4 at tutuparin ni Yahweh ang pangako niya sa akin: ‘Kapag ang iyong mga anak at susunod na salinlahi ay nanatiling tapat sa akin at sumunod sa akin nang buong puso't kaluluwa, magpapatuloy ang iyong angkan sa trono ng Israel.’
5 “Alam mo ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruias, nang patayin niya ang dalawang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng Israel na si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Sa pagpatay niya sa dalawang ito, ipinaghiganti sa panahon ng kapayapaan ang dugong dumanak sa panahon ng digmaan. Sa gayo'y dinungisan niya ang aking pangalan bilang marangal na mandirigma.
6 Gawin mo sa kanya ang inaakala mong dapat gawin. Huwag mong hahayaang mamatay siya nang mapayapa.
7 “Ipagpatuloy mo ang magandang pakikitungo sa angkan ni Barzilai na taga-Gilead. Paglaanan mo sila ng upuan sa iyong hapag-kainan, sapagkat tinulungan nila ako noong ako'y tumatakas sa kapatid mong si Absalom.
8 “Huwag mo ring kalilimutan si Simei na taga-Bahurim, ang anak ni Gera na mula sa lipi ni Benjamin. Pinagmumura niya ako noong ako'y umalis patungo sa Mahanaim. Nang masalubong ko siya sa Jordan, ipinangako ko sa pangalan ni Yahweh na hindi ko siya papatayin.
9 Ngunit tiyakin mong siya'y mapaparusahan. Matalino kang tao at alam mo ang dapat gawin. Iparanas mo sa kanya ang lupit ng kamatayan.”
10 Namatay si Haring David at inilibing sa Lunsod ni David.
11 Apatnapung taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.
12 Kaya't nang maupo na si Solomon sa trono ni David bilang bagong hari, matatag na ang kanyang kaharian.
13 Samantala, nilapitan naman ni Adonias na anak ni Haguit ang ina ni Solomon na si Batsheba.“Kapayapaan ba ang pakay mo?” tanong ni Batsheba.“Opo! Kapayapaan po!” tugon ni Adonias,
14 at idinugtong niya, “May sasabihin po ako sa inyo!”“Magpatuloy ka,” sagot ni Batsheba.
15 Nagsalita si Adonias, “Alam po naman ninyo, na ako sana ang naging hari; ito ang inaasahan ng bayan. Ngunit nawala sa akin ang korona at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ang kagustuhan ni Yahweh.
16 Mayroon po akong hihilingin sa inyo. Huwag ninyo sanang ipagkakait sa akin!”“Sabihin mo,” wika uli ni Batsheba.
17 At nagpatuloy si Adonias, “Alam ko pong hindi siya makakatanggi sa inyo, maaari po bang hingin ninyo sa Haring Solomon na ipagkaloob sa akin na maging asawa ko si Abisag, ang dalagang taga-Sunem?”
18 “Sige! Kakausapin ko ang hari,” sagot ni Batsheba.
19 Kaya't pumunta si Batsheba kay Haring Solomon upang sabihin ang kahilingan ni Adonias. Tumayo ang hari upang siya'y salubungin, yumuko sa kanya, at saka naupo sa kanyang trono. Nagpakuha ng isa pang trono, inilagay sa kanyang kanan at doon pinaupo ang ina.
20 “Mayroon akong isang maliit na kahilingan sa iyo, anak! Huwag mo sana akong tatanggihan,” sabi ng ina.Sumagot ang hari, “Mahal kong ina, sabihin ninyo! Alam ninyong hindi ko kayo matatanggihan!”
21 Kaya't nagpatuloy si Batsheba: “Ipahintulot mong si Abisag, ang dalagang taga-Sunem, ay maging asawa ng kapatid mong si Adonias.”
22 Sumagot si Haring Solomon sa kanyang ina, “At bakit po ninyo hiniling si Abisag para kay Adonias? Bakit hindi rin ninyo hilinging ibigay ko sa kanya ang trono, sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid; at ang paring si Abiatar, pati si Joab na anak ni Zeruias ay nasa kanyang panig.”
23 Nanumpa noon si Haring Solomon, “Parusahan nawa ako ni Yahweh kapag hahayaan ko pang mabuhay si Adonias dahil sa ginawa niyang ito!
24 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na naglagay sa akin sa trono ng aking amang si David, at nangakong mananatiling maghahari sa Israel ang aming lahi; sa araw ding ito'y mamamatay si Adonias.”
25 Kaya't iniutos niya kay Benaias na patayin si Adonias, at ganoon nga ang nangyari.
26 Tungkol naman sa paring si Abiatar, siya'y pinagsabihan ng hari, “Pumunta ka sa lupain mo sa Anatot. Dapat ka sanang mamatay. Ngunit hindi kita ipapapatay sa araw na ito alang-alang sa pangangasiwa mo sa Kaban ng Tipan ng Panginoong Yahweh nang kasama ka pa ng aking amang si David, at sa pakikisama mo sa kanya sa mga hirap na kanyang dinanas.”
27 Ngunit tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari ni Yahweh. Sa gayong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh sa Shilo tungkol sa angkan ni Eli.
28 Ang lahat ng ito'y nabalitaan ni Joab. Sapagkat pumanig siya kay Adonias, kahit hindi siya pumanig kay Absalom, kaya't nagtago siya sa Tolda ni Yahweh at kumapit sa mga sungay ng altar.
29 Nang malaman ni Haring Solomon na nagtago si Joab sa Tolda ni Yahweh sa tabi ng altar, pinapunta roon si Benaias upang siya'y patayin.
30 Pumunta nga si Benaias sa Tolda ni Yahweh at tinawag si Joab, “Iniuutos ng hari na lumabas ka riyan.”Ngunit sumagot si Joab; “Hindi ako lalabas dito; dito ako mamamatay.”At sinabi ni Benaias sa hari ang sagot ni Joab.
31 Kaya't iniutos ng hari: “Gawin mo ang sinabi niya. Patayin mo siya at ilibing. Sa gayon, aalisin mo sa lahi ng aking ama ang sumpa sa pagpatay ng mga walang sala.
32 Siya na rin ang sisisihin ni Yahweh sa kanyang sariling pagkamatay, sapagkat pumatay siya ng dalawang lalaking higit na mabuti kaysa kanya, si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Pinatay niya sa pamamagitan ng patalim ang dalawang pinunong ito ng hukbo ng Israel nang hindi nalalaman ng ama kong si David.
33 Ang sumpa ng kanilang dugo ay dadalhin ni Joab at ng kanyang lahi magpakailanman. At patatatagin ni Yahweh si David, ang kanyang lahi at ang kanyang kaharian magpakailanman.”
34 Pinuntahan nga ni Benaias si Joab at pinatay; siya'y inilibing sa kanyang tirahang malapit sa ilang.
35 Si Benaias na anak ni Joiada ang inihalili ng hari kay Joab bilang pinakamataas na pinuno ng hukbo. At ang paring si Zadok naman ang ipinalit kay Abiatar.
36 Pagkatapos, ipinasundo ng hari si Simei at sinabi sa kanya, “Magtayo ka ng bahay sa Jerusalem, dito ka tumira, at huwag kang lalabas ng lunsod.
37 At tandaan mo ito: Kapag tumawid ka ng Batis ng Kidron, mamamatay ka; at ikaw na rin ang mananagot sa iyong pagkamatay.”
38 Sumagot si Simei, “Maaasahan po ninyo! Susundin ko po ang inyong utos.” At mahabang panahon ngang nanirahan si Simei sa Jerusalem.
39 Ngunit pagkalipas ng tatlong taon, may dalawang alipin si Simei na tumakas at pumunta kay Aquis na anak ni Maaca, hari ng Gat. At may nagsabi sa kanya na ang mga alipin niya'y nasa Gat.
40 Ipinahanda niya ang kanyang asno at pumunta kay Aquis upang kunin ang kanyang mga alipin. Nakuha nga niya sa Gat ang kanyang mga alipin at siya'y bumalik na.
41 Nabalitaan ni Solomon na si Simei ay umalis ng Jerusalem at nanggaling sa Gat.
42 Ipinatawag siya ng hari at sinabi sa kanya, “Hindi ba't pinanumpa kita sa pangalan ni Yahweh at binalaan pa kita na mamamatay ka kapag nagpunta ka ng ibang lugar? Di ba't ang sagot mo'y susunod ka?
43 Bakit hindi mo iginalang ang sumpa mo kay Yahweh at ang utos ko sa iyo?”
44 At idinagdag pa ng hari, “Alam mo ang mga kasamaang ginawa mo sa aking amang si David. Ngayon, sa iyong ulo ibinabagsak ni Yahweh ang lahat ng iyon.
45 Ngunit pagpapalain niya si Haring Solomon, at sa tulong niya'y magiging matatag ang kaharian ni David.”
46 Iniutos ng hari kay Benaias na patayin si Simei, at ganoon nga ang nangyari. Kaya't naging lubusang matatag ang paghahari ni Solomon.