1 Sinabi ni Haring Ahab sa kanyang asawang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias at kung paano pinatay ni Elias ang lahat ng mga propeta ni Baal.
2 Kaya't nagpadala si Jezebel ng isang sugo upang sabihin kay Elias, “Patayin sana ako ng mga diyos kung hindi ko gagawin sa iyo sa ganito ring oras ang ginawa mo sa mga propeta.”
3 Natakot si Elias na mamatay, kaya't umalis siya at nagpunta sa Beer-seba, sa lupain ng Juda, kasama ang kanyang utusan.Iniwan niya roon ang kanyang utusan
4 at mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno at nanalangin nang ganito: “Yahweh, kunin na po ninyo ako. Ako po'y hirap na hirap na. Mabuti pa pong mamatay na ako.”
5 Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya nito at ang sabi, “Gising na at kumain ka!”
6 Nang siya'y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang lalagyan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga muli.
7 Ngunit bumalik ang anghel ni Yahweh, ginising siya muli at sinabi, “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.”
8 Kumain nga siyang muli at uminom. At ang pagkaing iyo'y nagbigay sa kanya ng sapat na lakas upang maglakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Sinai, ang Bundok ng Diyos.
9 Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano'y nagsalita sa kanya si Yahweh, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”
10 Sumagot si Elias, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa inyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”
11 Ganito ang sagot sa kanya: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito'y dumaan si Yahweh at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin si Yahweh. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol si Yahweh.
12 Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat si Yahweh. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.
13 Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng kuweba. Narinig niya ang isang tinig na nagsabi, “Elias, anong ginagawa mo rito?”
14 Sumagot siya, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lamang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa iyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”
15 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka sa ilang na malapit sa Damasco. Pagkatapos, pumasok ka sa lunsod at buhusan mo ng langis si Hazael bilang hari ng Siria;
16 at si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari naman ng Israel. Buhusan mo rin ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola bilang propeta na hahalili sa iyo.
17 Ang makaligtas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu. Ang makaligtas naman sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo.
18 Ngunit pitong libo sa Israel ang ililigtas ko, ang mga taong hindi lumuluhod kay Baal at hindi humahalik sa kanyang imahen.”
19 Umalis si Elias at natagpuan niya si Eliseo na nag-aararo. Labindalawang pares ng toro ang ginagamit niya, at kaagapay siya ng huling pares. Pagdaan ni Elias sa tapat ni Eliseo, inalis ni Elias ang kanyang balabal at ibinalabal kay Eliseo.
20 Iniwan naman ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap, “Magpapaalam po muna ako sa aking ama't ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo.”Sumagot naman si Elias, “Sige, umuwi ka muna.”
21 Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya ng isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging lingkod nito.