1 Noong ikalabing walong taon ng paghahari sa Israel ni Jeroboam na anak ni Nebat, naging hari naman ng Juda si Abiam
2 na anak ni Rehoboam kay Maaca na anak ni Absalom. Tatlong taon siyang naghari, at sa Jerusalem siya nanirahan.
3 Sumunod siya sa masasamang halimbawa ng kanyang ama, at hindi sa halimbawa ni David na kanyang ninuno. Hindi siya naging tapat kay Yahweh na kanyang Diyos.
4 Gayunman, alang-alang kay David, ang kanyang angkan ay pinapanatili ni Yahweh na maghari sa Jerusalem. Pinagkalooban siya ng anak na lalaki na hahalili sa kanya, at iningatan sa kaaway ang Jerusalem.
5 Ginawa ito ni Yahweh sapagkat pawang matuwid sa paningin niya ang mga gawa ni David. Sa buong buhay niya, hindi siya lumabag sa mga utos ni Yahweh, liban sa ginawa niya kay Urias na Heteo.
6 Nagpatuloy ang alitan nina Rehoboam at Jeroboam hanggang sa panahon ni Abiam.
7 Ang iba pang mga ginawa ni Abiam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.
8 Nang mamatay si Abiam, siya'y inilibing sa Lunsod ni David at ang anak niyang si Asa ang humalili sa kanya bilang hari.
9 Noong ikadalawampung taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, naging hari naman ng Juda si Asa.
10 Naghari siya sa loob ng apatnapu't isang taon, at sa Jerusalem siya nanirahan. Ang lola ni Asa na si Maaca ay anak ni Absalom.
11 Namuhay si Asa nang matuwid sa paningin ni Yahweh, tulad ng kanyang ninunong si David.
12 Pinalayas niya sa kaharian ang mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga sambahan ng mga diyus-diyosan, at winasak ang mga imahen ng mga diyus-diyosang ipinagawa ng mga haring nauna sa kanya.
13 Pati ang kanyang lolang si Maaca ay inalisan niya ng karapatan sa pagiging inang-reyna, sapagkat nagpagawa ito ng isang malaswang rebulto ni Ashera. Ipinagiba niya ang rebultong ito at ipinasunog sa Batis ng Kidron.
14 Bagama't hindi niya naipagiba lahat ang mga sagradong burol, si Asa ay habang buhay na naging tapat kay Yahweh.
15 Ipinasok niya sa Templo ang mga handog ng kanyang ama kay Yahweh, gayundin ang kanyang sariling handog na ginto, pilak at mga kasangkapang sagrado.
16 Patuloy ang alitan nina Asa at Baasa na hari ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari.
17 Pinasok ni Baasa ang lupain ng Juda at nagtayo ng kuta sa Rama upang harangan ang daan papunta kay Asa.
18 Kaya't tinipon ni Asa ang nalalabing ginto't pilak sa kabang-yaman ng Templo at ng palasyo. Ipinadala iyon sa Damasco, kay Ben-hadad na anak ni Tabrimon at apo ni Hezion na hari ng Siria. Ganito ang kanyang ipinasabi:
19 “Nais kong maging magkakampi tayo tulad ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang mga regalo kong ito. Hinihiling kong putulin mo ang iyong pakikipagkaibigan kay Baasa na hari ng Israel upang mapilitan siyang umalis sa aking nasasakupan.”
20 Sumang-ayon si Ben-hadad kay Haring Asa at nagpadala siya ng mga hukbo at ng mga pinuno nito upang salakayin ang mga lunsod ng Israel. Nasakop nila ang mga bayan ng Ijon, Dan, Abel-bet-maaca, ang lupain sa may Lawa ng Galilea at ang Neftali.
21 Nang mabalitaan ito ni Baasa, ipinatigil niya ang pagpapagawa ng kuta sa Rama at pumunta siya sa Tirza.
22 Iniutos naman ni Asa sa lahat ng mga taga-Juda na kunin ang mga bato at kahoy na ginamit ni Baasa sa pagtatayo ng kuta sa Rama, at ginamit iyon sa paggawa ng kuta sa Geba at Mizpah, sa lupain ng Benjamin.
23 Ang iba pang ginawa ni Haring Asa, ang kanyang kagitingan at mga bayang pinagawan niya ng kuta ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Ngunit nang siya'y matanda na, nalumpo siya dahil sa karamdaman sa paa.
24 Namatay si Asa at inilibing sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David. At si Jehoshafat na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari.
25 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari naman sa Israel si Nadab na anak ni Jeroboam, at dalawang taon siyang naghari sa Israel.
26 Katulad ng kanyang ama na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
27 Naghimagsik laban sa kanya si Baasa na anak ni Ahias, mula sa lipi ni Isacar. Pinatay ni Baasa si Nadab habang kinubkob nito at ng kanyang hukbo ang Gibeton, isang lunsod sa Filistia.
28 Nangyari ito nang ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, at si Baasa ang pumalit kay Nadab bilang hari sa Israel.
29 Sa simula pa lamang ng kanyang paghahari ay pinagpapatay na niya ang buong pamilya ni Jeroboam, bilang katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias na taga-Shilo.
30 Ganito ang nangyari sa angkan ni Jeroboam sapagkat ginalit niya si Yahweh dahil sa kanyang mga kasalanan, at sa mga kasalanang ginawa ng bayang Israel dahil sa kanya.
31 Ang iba pang mga ginawa ni Nadab ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
32 Patuloy ang alitan ni Asa, hari ng Juda at ni Baasa ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari.
33 Ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda nang maghari sa Israel si Baasa, na anak ni Ahias. Dalawampu't apat na taon siyang naghari, at sa Tirza siya nanirahan.
34 Katulad ni Haring Jeroboam na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.