1 Tatlong taon nang walang labanan ang Israel at ang Siria.
2 Ngunit sa ikatlong taon ay dumalaw sa hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda.
3 Nasabi na noon ng hari ng Israel sa kanyang mga pinuno, “Alam ninyo na ang Ramot-gilead ay atin. Ngunit wala tayong ginagawang hakbang upang mabawi iyon sa hari ng Siria.”
4 Ngayon nama'y si Jehoshafat ang kanyang hinimok. Ang sabi niya, “Samahan mo naman kami sa paglusob sa Ramot-gilead.”Sumagot si Jehoshafat, “Kasama mo ako at ang aking mga tauhan, at ang aming mga kabayo at kasangkapan.
5 Ngunit sumangguni muna tayo kay Yahweh.”
6 Tinipon nga ni Haring Ahab ng Israel ang kanyang mga propeta. May apatnaraan silang lahat at itinanong, “Dapat ko bang salakayin ang Ramot-gilead?”“Salakayin ninyo! Tutulungan kayo ni Yahweh at matatalo ninyo ang kaaway,” sagot ng mga propeta.
7 Ngunit iginiit ni Jehoshafat, “Wala na bang ibang propeta ni Yahweh na maaari nating pagtanungan?”
8 “Mayroon pang isa, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit galit ako sa kanya, sapagkat lagi na lamang masama ang hula niya sa akin, wala nang mabuti,” sabi ni Ahab.“Huwag kang magsalita ng ganyan, kapatid kong hari!” tutol ni Jehoshafat.
9 Ipinatawag ng hari ng Israel ang isa niyang opisyal at inutusan, “Dalhin ninyo kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.”
10 Nasa isang giikan sa may pasukan ng Samaria ang hari ng Israel at si Jehoshafat. Nakaupo silang dalawa sa kanya-kanyang trono at nakasuot ng damit-hari. Samantala, nasa kanilang harapan ang mga propeta at sama-samang nanghuhula.
11 Naglagay ng mga sungay na bakal si Zedekias na anak ni Canaana, tumayo at ganito ang sinabi kay Ahab, “Sa pamamagitan nito'y lilipulin ninyo ang mga taga-Siria.”
12 Ganoon din ang sinabi ng iba pang propeta. Sabi nila, “Mahal na hari, salakayin po ninyo ang Ramot-gilead at matatalo ninyo sila. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”
13 Sinabi ng sugong pinapunta kay Micaya, “Iisa ang sinasabi ng lahat ng mga propeta: magtatagumpay ang hari. Ganoon din ang sabihin mo!”
14 Sumagot si Micaya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, kung ano ang sabihin niya sa akin, iyon din ang aking sasabihin.”
15 Pagdating niya sa harapan ng hari, siya'y tinanong, “Micaya, sasalakayin ba namin ang Ramot-gilead?”“Salakayin po ninyo at magwawagi kayo. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”
16 Ngunit siya'y muling tinanong ng hari, “Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na pawang katotohanan lamang ang sasabihin mo sa pangalan ni Yahweh?”
17 Kaya't sinabi ni Micaya,“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapangunakaya't pauwiin na silang mapayapa.’”
18 Kaya't sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba't sinabi ko na sa iyo na kailanma'y hindi niya ako binigyan ng mabuting pahayag, lagi na lang masama.”
19 Ngunit nagpatuloy si Micaya, “Pakinggan ninyo si Yahweh: Nakita ko si Yahweh na nakaupo sa kanyang trono. Nasa kanyang harapan, sa kaliwa at sa kanan, ang buong hukbo ng langit.
20 Nagtanong siya, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab na salakayin ang Ramot-gilead?’ Kanya-kanyang sagot ang mga espiritu.
21 Ngunit mayroong isang tumayo at nagsalita ng ganito: ‘Ako po ang hihikayat kay Ahab.’“‘Sa paanong paraan?’ tanong ni Yahweh.
22 “‘Pupunta po ako roon at magiging espiritung sinungaling na magsasalita sa pamamagitan ng kanyang mga propeta,’ sagot ng espiritu.“‘Ikaw ang humikayat sa kanya at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.”
23 At patuloy ni Micaya, “Ngayon, nakikita mo kung paanong nagsalita ang espiritu ng kasinungalingan sa bibig ng iyong mga propeta. Ngunit si Yahweh ang nagtakda ng iyong kapahamakan.”
24 Nang marinig ito, lumapit si Zedekias at sinampal si Micaya. Sabi niya, “Kailan ka pa nagkaroon ng karapatang magsalita sa ngalan ng Espiritu ni Yahweh? At akala mo ba'y aalis siya sa akin?”
25 Sumagot si Micaya, “Malalaman mo ang sagot diyan pagdating ng araw na magtatago ka sa isang silid.”
26 Ipinag-utos ng hari, “Ibalik siya kay Amon, ang gobernador ng lunsod, at kay Prinsipe Joas.
27 Sabihin ninyo sa kanila na ibilanggo ang taong ito, at huwag pakainin kundi tinapay at tubig hanggang sa aking maluwalhating pagbabalik.”
28 Sinabi ni Micaya, “Kapag kayo'y nakabalik nang buháy, hindi nga si Yahweh ang nagsalita sa pamamagitan ko.” Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.”
29 Pumunta nga sa Ramot-gilead si Ahab na hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda.
30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako papunta sa labanan. Ngunit ikaw ay maaaring magpatuloy na nakadamit-hari.” At nagbalatkayo nga ang hari ng Israel patungo sa labanan.
31 Iniutos ng hari ng Siria sa mga pinuno ng mga kawal na sakay sa karwahe, “Huwag ninyong pag-abalahan ang kung sinu-sino lamang! Ang hari ng Israel ang inyong harapin.”
32 Kaya't nang makita nila si Jehoshafat, inakala nilang ito ang hari ng Israel at siyang hinabol. Ngunit pagsigaw niya ng kanyang sigaw pandigma,
33 nakilala ng mga pinuno ng Siria na hindi siya ang hari ng Israel. At hindi na nila itinuloy ang paghabol.
34 Subalit may isang kawal na basta na lamang pumana at natamaan ang hari ng Israel. Tumusok ang palaso sa pagitan ng pinagdugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't iniutos niya sa kawal na nagpapatakbo ng karwahe, “Ibuwelta mo ang karwahe! May tama ako. Umalis na tayo rito.”
35 Mahigpit ang labanan nang araw na iyon at ang hari'y nanatiling nakatayo sa kanyang karwahe sa tapat ng mga Cireo hanggang sa siya'y mamatay nang lumulubog na ang araw. Dumanak ang dugo niya sa sahig ng karwahe.
36 Paglubog ng araw, narinig ng buong hukbo ng Israel ang sigaw, “Tumakas na kayo. Magsiuwi na kayong lahat!”
37 Namatay nga ang hari at dinala nila ang bangkay sa Samaria upang doon ilibing.
38 Nang hugasan ang karwahe ng hari sa Batis ng Samaria, hinimod ng mga aso ang kanyang dugo. Samantala, may mga babaing nagbebenta ng aliw na naliligo sa batis, at naipaligo nila ang tubig na iyon. Sa ganoong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh.
39 Ang iba pang mga ginawa ni Ahab, pati ang tungkol sa ipinagawa niyang palasyo na napapalamutian ng garing, at ang mga lunsod na kanyang itinayo ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
40 Pagkamatay ni Ahab, humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ahazias.
41 Naging hari ng Juda si Jehoshafat na anak ni Asa noong ikaapat na taon ng paghahari ni Ahab sa Israel.
42 Tatlumpu't limang taóng gulang siya noong siya'y maupo sa trono ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Ayuba na anak ni Silhi.
43 Sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Asa; ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh. Subalit hindi niya ipinawasak ang mga lugar ng sambahan ng mga pagano at nagpatuloy ang mga tao sa pag-aalay doon at pagsusunog ng insenso.
44 Nakipagkasundo rin si Jehoshafat sa hari ng Israel.
45 Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat, ang kanyang kagitingan, ang kanyang mga pakikipaglaban, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.
46 Pinalayas niya ang mga lalaki at mga babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga sagradong lugar na natitira pa sa kaharian. Nakaligtas ang mga ito noong panahon pa ni Asa na kanyang ama.
47 Walang hari noon sa Edom; ang namamahala dito'y isang kinatawan ng hari ng Juda.
48 Nagpagawa si Jehoshafat ng mga malalaking barko upang maglayag patungo sa Ofir at mag-uwi ng ginto. Ngunit hindi nakaalis ang mga iyon sapagkat nawasak sa Ezion-geber.
49 Iminungkahi pa ni Ahazias kay Jehoshafat, “Pagsamahin natin ang ating mga tauhan sa paglalakbay ng ating mga barko.” Ngunit hindi pumayag si Jehoshafat.
50 Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David na kanyang ninuno. Humalili sa kanya si Jehoram bilang hari.
51 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, naghari naman sa Israel si Ahazias na anak ni Ahab. Dalawang taon siyang naghari.
52 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang ama't ina, at ni Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang Israel sa pagkakasala.
53 Naglingkod siya at sumamba kay Baal. Ginalit niya si Yahweh, ang Diyos ng Israel, tulad ng ginawa ng kanyang ama noong una.