16 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na balot ng ginto. Umabot sa labinlimang librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa.
17 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot ding ginto. Halos apat na librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. Ipinalagay ng hari ang mga nasabing kalasag sa palasyo, sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon.
18 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong yari sa garing ng elepante na may mga balot ding gintong lantay.
19 Anim na baytang ang paakyat sa trono. May ulo ng bisirong baka ang ulunan ng trono, at may patungan ng bisig sa dalawang tagiliran. May dalawang leon na nakatayo sa tabi nito,
20 at labindalawa naman sa magkabilang dulo ng mga baytang. Kailanma'y wala pang ginawang trono na tulad nito sa alinmang kaharian.
21 Gintong lahat ang mga inuman ng Haring Solomon, at gayundin ang mga kasangkapan sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon. Walang kagamitang pilak dahil hindi pa ito pinahahalagahan noong panahon ni Solomon.
22 May mga malalaking barko siya sa karagatan, kasama ng mga barko ni Hiram, at tuwing ikatlong taon ay dumarating ang mga barkong ito na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy at pabo real.