4 Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito.
5 Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.
6 Kaya't sinabi niya sa hari, “Totoo nga palang lahat ang narinig ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan.
7 Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong nakita ko na ang lahat, napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa ibinalita nila.
8 Napakapalad ng inyong mga asawa. Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan!
9 Purihin si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.”
10 At ang hari'y binigyan niya ng halos 4,200 kilong ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma'y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.