3 Sinabi pa niya, “Ito ang tanda na si Yahweh ang nagpapasabi nito: ‘Magkakadurug-durog ang altar na ito at sasambulat ang mga abo na nasa ibabaw ng altar.’”
4 Nang marinig ni Haring Jeroboam ang sumpang iyon laban sa altar ng Bethel, itinuro niya ang lingkod ng Diyos at pasigaw na iniutos; “Dakpin ang taong iyan!” Ngunit biglang nanigas ang kanyang kamay na itinuro sa lingkod ng Diyos, at hindi niya maikilos iyon.
5 Noon di'y nagkadurug-durog ang altar at sumambulat nga ang mga abo na nasa ibabaw ng altar, gaya ng ipinahayag ng lingkod ng Diyos.
6 Nakiusap ang hari sa lingkod ng Diyos, “Ipanalangin mo ako sa Diyos mong si Yahweh at hilingin mong magbalik sa dati ang aking kamay.”Nanalangin nga ang lingkod ng Diyos kay Yahweh, at gumaling ang kamay ng hari.
7 Inanyayahan ng hari ang lingkod ng Diyos na sumama sa kanya at kumain sa kanyang bahay at pinangakuan pang bibigyan ng gantimpala.
8 Ngunit tumanggi ang lingkod ng Diyos. “Kahit na po ibigay ninyo sa akin ang kalahati ng inyong kayamanan, hindi ako sasama sa inyo. Hindi rin ako kakain ng anuman dito,
9 sapagkat sinabi sa akin ni Yahweh na huwag akong kakain o iinom ng anuman, at pag-uwi ko'y huwag akong magbabalik sa aking dinaanan.”