5 Ang iba pang mga ginawa ni Baasa at ang kanyang kagitingan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
6 Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. Ang anak niyang si Ela ang humalili sa kanya bilang hari.
7 Sinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu upang ipahayag kay Baasa at sa kanyang pamilya ang kanyang hatol laban sa hari. Gayundin naman, dahil sa kanyang pagsunod sa mga kasalanan ni Jeroboam, nilipol din niya ang buong angkan nito.
8 Naging hari ng Israel si Ela na anak ni Baasa noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Dalawang taon siyang naghari at sa Tirza nanirahan.
9 Pinagtaksilan siya ni Zimri na pinuno ng kalahati ng hukbong gumagamit ng karwahe. Samantalang lasing si Ela sa bahay ni Arsa na tagapamahala ng palasyo sa Tirza,
10 pumasok si Zimri sa palasyo at pinatay si Ela at siya ang pumalit na hari. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda.
11 Simula pa lamang ng paghahari ni Zimri, pinatay na niyang lahat ang buong pamilya ni Baasa. Ipinapatay niya ang lahat ng lalaking kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa.