1 Mga Hari 20:28-34 RTPV05

28 Lumapit muli sa hari ng Israel ang lingkod ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria na ako ay Diyos ng kabundukan at hindi Diyos ng kapatagan, ipapalupig ko sa iyo ang hukbong iyan sa kabila ng kanilang dami at lakas. Makikita ninyo ngayon na ako nga si Yahweh.’”

29 Pitong araw silang nagmanman sa isa't isa. Nagsimula ang labanan sa ikapitong araw, at sa araw na iyon sandaang libong kawal ang napatay sa hukbo ng Siria. Tumakas ang natirang buháyat pumasok sa Lunsod ng Afec.

30 Ngunit gumuho ang pader ng lunsod at 27,000 pa ang natabunan. Nakatakas muli si Ben-hadad at nagtago sa isang silid sa loob ng lunsod.

31 Sa gayong kalagayan, nasabi ng isa niyang tauhan, “Balita po namin ay maawain ang mga hari ng Israel. Magsusuot po kami ng damit-panluksa at magtatali ng lubid sa aming leeg, at haharap sa hari ng Israel. Baka sakaling kaawaan kami at hindi na kayo ipapatay.”

32 At ganoon nga ang ginawa nila. Humarap sila sa hari ng Israel at nagmakaawa. “Hinihiling po ng inyong aliping si Ben-hadad na huwag na ninyo siyang patayin.”“Buháy pa ba siya? Buháy pa ba ang kapatid kong hari?” tanong ng hari ng Israel.

33 Sinamantala ng mga sugo ang gayong magandang pahiwatig kaya't agad sumagot, “Opo, buháy pa po siya! Buháy pa.”“Dalhin ninyo siya agad dito,” utos ni Ahab. Pagdating ni Ben-hadad, pinasakay siya ni Ahab sa kanyang karwahe.

34 Sinabi noon ni Ben-hadad, “Isasauli ko sa inyo ang mga lunsod na inagaw ng aking ama sa inyong ama. Maaari kayong magtayo ng pamilihan sa Damasco, tulad ng itinayo ng aking ama sa Samaria.”Sumagot naman si Ahab, “Sa ganitong kondisyon, pinapalaya ko na kayo.” Nangyari nga ang kasunduan at pinalaya sila ni Ahab.