48 Nagpagawa si Jehoshafat ng mga malalaking barko upang maglayag patungo sa Ofir at mag-uwi ng ginto. Ngunit hindi nakaalis ang mga iyon sapagkat nawasak sa Ezion-geber.
49 Iminungkahi pa ni Ahazias kay Jehoshafat, “Pagsamahin natin ang ating mga tauhan sa paglalakbay ng ating mga barko.” Ngunit hindi pumayag si Jehoshafat.
50 Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David na kanyang ninuno. Humalili sa kanya si Jehoram bilang hari.
51 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, naghari naman sa Israel si Ahazias na anak ni Ahab. Dalawang taon siyang naghari.
52 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang ama't ina, at ni Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang Israel sa pagkakasala.
53 Naglingkod siya at sumamba kay Baal. Ginalit niya si Yahweh, ang Diyos ng Israel, tulad ng ginawa ng kanyang ama noong una.