14 At tinapos nga ni Solomon ang pagpapagawa sa Templo.
15 Binalot niya ng tabla ang loob niyon. Tablang sedar ang inilapat sa pader buhat sa sahig hanggang sa kisame at tablang sipres naman ang inilatag na sahig.
16 Diningdingan niya ang siyam na metro mula sa silid sa kaloob-looban ng Templo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Ang lugar na ito'y nilapatan ng tablang sedar mula sa sahig hanggang sa kisame.
17 Ang labing-walong metrong natira matapos dingdingan ang Dakong Kabanal-banalan ay tinawag namang Dakong Banal.
18 May ukit na mga nakabukang bulaklak at mga tapayan ang tablang sedar na ibinalot sa pader ng Templo.
19 Ang Dakong Kabanal-banalan na siyang kaloob-looban ng Templo ay inihanda niya upang paglagyan ng Kaban ng Tipan.
20 Siyam na metro ang haba, ang luwang, at ang taas ng Dakong Kabanal-banalan, at ito'y binalot niya ng lantay na ginto.