47 Hindi na ipinatimbang ni Solomon ang mga kasangkapang tanso sapagkat napakarami ng mga iyon.
48 Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ginto na nasa Templo ni Yahweh: ang altar na sunugan ng insenso, ang mesang patungan ng tinapay na handog;
49 ang mga patungan ng ilawan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, lima sa kanan at lima sa kaliwa; ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at pang-ipit ng mitsa;
50 ang mga tasang lalagyan ng langis, ang mga pamutol ng mitsa, ang mga mangkok, ang mga sisidlan ng insenso at lalagyan ng apoy; at ang mga paikutan ng mga pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at gayundin ng mga pinto ng Dakong Banal.
51 Natapos ngang lahat ang mga ipinagawa ni Solomon para sa Templo ni Yahweh. Tinipon din niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitang inihandog ng kanyang amang si David, at itinago sa lalagyan ng kayamanan ng Templo.