54 Nakaluhod si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at nakataas ang mga kamay samantalang nananalangin. Nang matapos ang kanyang pananawagan kay Yahweh,
55 tumayo siya at sa malakas na tinig ay binasbasan ang buong Israel na nagkakatipon doon.
56 “Purihin si Yahweh! Tinupad niyang lahat ang kanyang mga pangako, at binigyan ng kapayapaan ang bayan niyang Israel. Sa lahat niyang mga pangako kay Moises, wala isa mang nasira.
57 Sumaatin nawang lagi si Yahweh, ang ating Diyos, gaya ng ginawa niya sa ating mga ninuno. Huwag nawa niya tayong pabayaan o itakwil kailanman.
58 Tulungan nawa niya tayong maging tapat sa kanya, upang mamuhay ayon sa kanyang kalooban, at sundin ang kanyang mga batas, tuntunin at hatol, gaya ng ipinag-utos niya sa ating mga ninuno.
59 Manatili nawa araw-gabi sa harapan ni Yahweh itong aking panalangin upang sa bawat araw ay pagkalooban niya ng katarungan ang kanyang alipin, at ang kanyang bayang Israel ayon sa hinihingi ng pagkakataon.
60 Sa gayon, malalaman ng lahat ng tao sa balat ng lupa na si Yahweh ay Diyos, at liban sa kanya'y wala nang iba.