60 Sa gayon, malalaman ng lahat ng tao sa balat ng lupa na si Yahweh ay Diyos, at liban sa kanya'y wala nang iba.
61 Manatili nga kayong tapat kay Yahweh, na ating Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos, tulad ng ginagawa ninyo ngayon.”
62 Sa pagtitipong ito nag-alay si Solomon at ang buong Israel ng napakaraming handog.
63 Nagpatay sila ng 22,000 baka at 120,000 tupa bilang handog na pinagsasaluhan. Sa gayong paraan ginawa ni Solomon at ng buong Israel ang pagtatalaga ng Templo ni Yahweh.
64 Nang araw ding iyon, itinalaga ni Solomon ang bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inihain ang handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil, at ang mga taba ng handog na pinagsasaluhan sapagkat ang altar na tanso sa harapan ng Templo ay napakaliit para sa ganoon karaming handog.
65 Kaya nga't nang taóng iyon, natipon sa Jerusalem ang buong Israel mula sa Pasong Hamat hanggang sa Batis ng Egipto. Sa pamumuno ni Solomon, ipinagdiwang nila ang Pista ng mga Tolda sa loob ng pitong araw.
66 Sa ikawalong araw, pinauwi na ni Solomon ang mga mamamayan. Masaya silang umuwi at binasbasan ang hari dahil sa mga pagpapalang ipinagkaloob ni Yahweh kay David na kanyang lingkod, at sa kanyang bayang Israel.