10 Dalawampung taon ang nagugol ni Solomon sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo.
11 Si Hiram, hari ng Tiro, ang nagpadala ng mga kahoy na sedar at sipres at ginto na ginamit para doon. Dahil dito, siya'y binigyan ni Solomon ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea bilang kapalit.
12 Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na bigay sa kanya ni Solomon, hindi siya lubos na nasiyahan.
13 Kaya nasabi niya, “Kapatid, bakit naman ganito ang mga lunsod na ibinigay mo sa akin?” Kaya't tinawag na Lupa ng Cabul ang mga lunsod na iyon hanggang ngayon.
14 Nagpadala si Hiram kay Solomon ng 4,200 kilong ginto.
15 Gumamit si Haring Solomon ng sapilitang pagtatrabaho upang maipatayo ang Templo ni Yahweh at ang kanyang palasyo, at upang patatagin ang Millo at ang mga pader ng Jerusalem, Hazor, Megido at Gezer.
16 Ang Gezer ay dating lunsod ng mga Cananeo na sinalakay at sinakop ng Faraon, hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinatay ang mga tagaroon. Pagkatapos, ibinigay ng Faraon ang lunsod na ito kay Solomon bilang dote ng kanyang anak na naging reyna ni Solomon.