1 Kasuklam-suklam kay Yahweh ang timbangang may daya,ngunit kasiyahan naman ang timbangang tama.
2 Kahihiyan ang laging dulot ng kapalaluan,ngunit pagpapakumbaba'y nagbubunga ng karunungan.
3 Ang tuntunin ng matuwid ay katapatan,ngunit ang masama'y wawasakin ng kanyang kataksilan.
4 Walang halaga ang yaman sa araw ng kamatayan,ngunit ang katuwiran ay naglalayo sa kapahamakan.
5 Mas panatag ang landas ng tapat ang pamumuhay,ngunit nabubuwal ang masama sa sariling kabuktutan.
6 Ang katuwiran ng mga matuwid ang nagliligtas sa kanya,ngunit ang masama ay bilanggo ng kanyang masamang nasa.
7 Ang pag-asa ng masama ay kasama niyang pumapanaw,ang umasa sa kayamanan ay mawawalang kabuluhan.
8 Ang matuwid ay inilalayo sa bagabag,ngunit ang masama ay doon bumabagsak.
9 Ang labi ng walang Diyos, sa iba ay mapanira,ngunit ang dunong ng matuwid ay nagliligtas ng kapwa.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, ang bayan ay nagagalak,ngunit higit ang katuwaan kapag ang masama'y napapahamak.
11 Dahil sa salita ng matuwid ang bayan ay tumatatag,ngunit sa kasinungalingan ng masama ang lunsod ay nawawasak.
12 Ang kapos sa kaalaman ay humahamak sa kapwa,ngunit laging tahimik ang taong may unawa.
13 Walang maitatago sa bibig ng madaldal,ngunit ang tunay na kaibigan, iyong mapagkakatiwalaan.
14 Sa kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak,ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.
15 Ang nananagot para sa iba, sa gusot ay nasasadlak,ngunit ang ayaw gumarantiya ay malayo sa bagabag.
16 Ang babaing mahinhin ay nag-aani ng karangalan,ngunit ang walang dangal, tambakan ng kahihiyan.Lagi sa kahirapan ang taong tamad,ngunit masagana ang buhay ng isang masipag.
17 Ang taong mabait ay nag-iimpok ng kabutihan,ngunit winawasak ng marahas ang sarili niyang buhay.
18 Anuman ang anihin ng masama ay walang kabuluhan,ngunit ang gawang mabuti ay may pagpapalang taglay.
19 Ang taong nasa matuwid ay makasusumpong ng buhay,ngunit ang landas ng masama ay patungo sa kamatayan.
20 Ang kaisipang masama kay Yahweh ay kasuklam-suklam,ngunit ang lakad ng matuwid, kay Yahweh ay kasiyahan.
21 Ang taong masama'y di makakaligtas sa kaparusahan,ngunit hindi maaano ang nabubuhay sa katuwiran.
22 Ang magandang babae ngunit mangmang naman,ay tila gintong singsing sa nguso ng baboy.
23 Anumang nais ng matuwid ay nagbubunga ng kabutihan,ngunit ang mahihintay lang ng masama ay kaparusahan.
24 Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman,ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay.
25 Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay,at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan.
26 Sinusumpa ng lahat ang nagkakait ng butil,ngunit pinupuri ang nagbibigay ng pagkain.
27 Kung mabuti ang hangarin, ikaw ay igagalang,kapag humanap ng gulo, iyon ay masusumpungan.
28 Malalantang tila dahon ang nagtitiwala sa kanyang yaman,ngunit ang matuwid ay giginhawa, tulad ng sariwang halaman.
29 Ang nagpupunla ng gulo sa sariling sambahayan,mag-aani ng problema, gugulo ang pamumuhay.Ang taong mangmang at walang nalalaman,ay alipin ng matalino habang siya'y nabubuhay.
30 Buhay ang dulot ng matuwid na pamumuhay,at kamatayan naman ang hatid ng karahasan.
31 Ang matuwid ay ginagantimpalaan dito sa lupa,ngunit paparusahan naman ang mga makasalanan at masasama!